Bambol kikilos para isulong ang chess sa paaralan

SISIKAPIN ng bagong luklok na FIDE secretary-general Abraham “Bambol” Tolentino na maisulong ang mga programang makakatulong para maitaas pa ang antas ng chess sa bansa.

Sa pagbisita kahapon ni Tolentino sa PSA Forum sa Shakey’s Malate, kanyang binanggit na isa sa kanyang agarang plano ay ang maipasok ang chess sa kurikulum ng mga paaralan.

Sa mga nakalipas na taon ay sinikap ng Department of Education at National Chess Federation Philippines na maisulong ito pero hindi natuloy.

“Isa ito sa programa na itutulak ni FIDE president Kirzan Ilyumshinov at sisikapin kong makakuha ng mga bagay na ibibigay ng FIDE para mangyari na ito sa Pilipinas.

Kung hindi man puwede sa lahat, kahit isa basta masimulan lang,” pahayag ni Tolentino na sec-gen din ng NCFP bukod sa pangulo ng PhilCycling at Kinatawan ng  ikapitong distrito ng Cavite.

Si Tolentino ang lalabas na ikalawang Filipino na naupo bilang sec-gen ng World chess body kasunod ni Casto “Toti” Abundo noong dekada 1990 sa panahon na ang pangulo ng FIDE  ay isa pang Pinoy na si nasirang Florencio Campomanes.

Tumakbo si Tolentino sa partido ni Ilymshinov at winalis ng grupo ang mga nakatunggali sa kampo ni dating world champion Garry Kasparov.

“Ang panalo kong ito ay hindi pansarili kungdi para sa Pilipinas. Ngayon na andoon na ako, magkakaroon na ng boses hindi lamang ang ating bansa kundi ang buong Asia,” wika pa ni Tolentino.

Read more...