PAANO nga ba mapapa-‘oo’ ng ilang taga-Liberal Party ang mga politiko sa isinusulong na pag-amyenda sa mga political provisions ng 1987 Constitution?
Alam naman natin na hindi maganda ang dating sa publiko ng pag-amyenda sa Konstitusyon kaya hindi basta kakagat na lamang ang mga pulitiko rito dahil baka mag-backfire at maging mitsa ng kanilang pagkatalo.
Ang unang proposal, amyendahan ang probisyon upang makatakbo muli ang nakaupong pangulo—sa kaso ngayon, si Pangulong Aquino.
Medyo malamig ang pagtanggap dito dahil si Noynoy lang ang makikinabang.
Kaya ano ang paraan para makakuha ng suporta, isama ang mga sinusuyo sa mga makikinabang.
Imbes na si Aquino lang, tuluyan nang baguhin ang mga termino ng mga pulitiko. Gawin kaya nalang tiglilimang taon ang bawat termino.
Masyado kasing maikli ang three-year term ng mga kongresista at lokal na pamahalaan para may magawa sila.
Hindi ‘yung unang taon mag-aaral sa puwesto, ‘yung ikalawang taon serbisyo sa bayan, at ‘yung ikatlo kampanya na.
Kung sakali (sakali lang naman), na maamyendahan ang Konstitusyon, magbabanggaan nga kaya si Aquino at Vice President Jejomar Binay ang Noy-Bi ng 2010 elections.
At siguro ang kukunin ni Aquino na running mate ay si DILG Sec. Mar Roxas na tinalo ni Binay sa VP race.
Si Binay kunin niya kayang vice presidential bet si dating Pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada o baka ang tamang tanong ay papayag ba si Erap na mag-vice siya ni Binay.
Bali-balita na may sakit na si Binay at sa edad na 72 ay hindi naman ito nakapagtataka.
Kaya kung llamado si Binay na manalo baka mayroong mga magtiyaga na lamang sa pagiging VP nito.
Kung saka-sakali nga naman (knock on wood three times tok-tok-tok) na mananalo sila at may mangyayari kay VP, otomatiko siyang magiging presidente.
Ang edad ni Binay ang sinasabing dahilan kung bakit hindi na siya makapaghihintay ng 2022 para tumakbo sa pagkapangulo.
Nabalita nanaman ang problema ng siksikan sa ports of Manila. Masyadong maraming container cargo na hindi pa nailalabas.
May nakitang solusyon ang isang environmental group. Bakit daw kaya hindi ibalik na lamang sa Canada ang may 50 container van na may lamang toxic chemicals.
Ilang buwan nang nakatambak ito simula nang dumating noong Hunyo 2013.
Nakasuhan na ang isang kompanya na taga-Valenzuela ng Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990 dahil sa ilegal na pagpasok sa bansa ng mga nakalalasong basurang ito.
Wala nang pinipiling oras ang trapik sa San Mateo, Rizal partikular sa General Luna st., ang pinakamalaking kalsada sa munisipalidad na siyang nag-uugnay dito sa Quezon City, Marikina City at bayan ng Rodriguez.
Good luck na lang. Grabe na ang trapik hindi pa man bukas ang itinatayong mall rito.