TAMA nga ang kuwento ni Eugene Domingo tungkol sa award-winning movie nilang “Barber’s Tales” na idinirek ng isa sa mga favorite naming filmmakers, si Jun Lana.
May karapatan naman pala talaga itong manalo ng sandamakmak na award sa iba’t ibang international film festivals. Tama lang na magwagi si Uge bilang Best Actress sa 2013 Tokyo International Film Festival at mapunta naman kay Jun Lana ang best director sa katatapos lang na 2014 Madrid International Film Festival.
Bukod dito, nanalo rin ang “Barber’s Tales” ng Crystal Mulberry Audience Award sa 2014 Far East Film Festival sa Udine, Italy pati ng Best Project Award sa 2013 Hong Kong-Asia Film Financing Forum.
At matapos nga ang mahabang paghihintay, nag-showing na kahapon ang pelikula nina Uge sa mga paborito n’yong sinehan. Kaya ito na ang pagkakataon natin na mapanood ang obrang pwede nating maipagmalaki sa buong mundo.
Grabe, bukod sa napakaganda at nakaka-inspire na kuwento ng “Barbers Tales”, naaliw din kami sa cinemathography ng pelikula (ni Carlo Mendoza), ang ganda-ganda ng Quezon province, para ka talagang dinala sa lumang panahon.
Taong 1975 naganap ang kuwento, during the dictatorship of Ferdinand Marcos. Iikot ang kuwento kay Marilou, ang babaeng nag-take over sa trabaho ng asawa niyang namatay bilang barbero.
Ang kauna-unahang barberong babae sa kanilang lugar. Sabi nga ni direk Jun, “Yung performance ni Uge talaga ang unang napansin ng mga critics abroad. Then the circle of women, yung friendship nila.
This was set in the 70s, so yung period film na ‘yon which I captured rural life nung panahon ‘yon, that was quite interesting for foreign audiences.”
Ayon pa kay direk Jun nang makachika namin bago ganapin ang celebrity screening ng “Barber’s Tales” sa cinema 7 ng Trinoma, hindi lang mga kababaihan ang target audience ng movie, “Lahat tayo.
Kasi yung problemang pinakita sa pelikula, corruption, family planning, insurgency lalo na sa 70s, lahat ‘yon problema natin. Ang worry ko lang talaga kasi, di mo maaalis na medyo political yung film.
Walang formula ito, walang love story, walang love team, pero sana, panoorin pa rin nila dahil hindi kami mapapahiya sa kanila.”
Grabe ang pinagdaanang hirap at sakripisyo ng karakter ni Uge sa movie, alam naman nating lahat na noong panahong ‘yun ay wala talagang boses ang mga kababaihan, pero nagtagumpay pa rin siya sa kanyang mga adhikain sa buhay.
Napakagaling ng lahat ng artista sa movie, mula kay Eugene, sa mag-asawang Nonie Shamaine Buencamino, hanggang kina Gladys Reyes, Nicco Manalo at Iza Calzado, ay wala kang itulak-kabigin.
Tama nga ang sinabi ni Gladys na ibang-iba ang role niya rito, hindi siya kontrabida sa pelikula pero feeling niya, aktres na aktres siya sa bawat eksenang ginawa niya kasama sina Uge.
Maikili man ang papel ni Eddie Garcia bilang isang pari, hindi rin matatawaran ang ipipinakita nitong akting. Bukod ito, masosorpresa rin kayo sa guest appearance ng Superstar na si Nora Aunor.
Masasabi naming isang mina ng ginto ang “Barber’s Tales” para sa Philippine cinema kaya sana mas marami pang Pinoy ang makapanood nito. Ito ay ipinrodyus ng APT Entertainment at Octobertrain Productions.
Showing na ito sa mga sinehan kaya huwag nang magpahuli. Binigyan ito ng Grade A ng Cinema Evaluation Board.
( Photo credit to EAS )