One on One with Glaiza, the good girl

Ni Ervin Santiago

NAGSIMULA si Glaiza de Castro sa showbiz noong 2001 sa bakuran ng GMA 7, pero hindi pa siya nagtatagal bilang Kapuso, lumipat na siya sa ABS-CBN kung saan nabigyan siya ng chance na makasama sa ilang malalaking projects ng Kapamilya network.

Pero nu’ng 2006, nag-decide si Glaiza na bumalik sa Siyete kung saan nagkasunud-sunod na nga ang paggawa niya ng teleserye kung saan nakilala nga siya bilang napakagaling na kontrabida.

At ngayon nga, finally ay binigyan na siya ng GMA ng sarili niyang teleserye, ang Grazilda, kung saan maipapakita niya ang kanyang pagiging bida at pagiging kontrabida.

At alam n’yo ba na si Glaiza ang sinasabing pangtapat ng Kapuso station sa bida-kontrabida ng Kapamilya na si Angelica Panganiban?

 

Naka-one-on-one natin si Glaiza kamakailan at inamin nga niya na grabe na ang nerbiyos na napi-feel niya ngayon dahil nga malapit nang husgahan ang kanyang Grazilda – na ayon nga kay Glaiza ay ang katuparan ng matagal na niyang pangarap.

Nakita namin ang bagong tattoo niya sa kanyang wrist, ayon kay Glaiza, hindi raw ito sign ng pagrerebelde. Narito ang kabuuan ng ating interview kay Glaiza de Castro.

BANDERA: Bakit ka nagpa-tattoo? Alam ba ng parents mo ‘yan?
GLAIZA DE CASTRO: Actually, hindi nila alam ito, e. Kasi kami, di ba, coming from a Christian family, hindi naman kami against pero hindi lang namin pina-practice na magpa-tattoo.

Du’n kasi sa generation ngayon, parang mas open ka na sa mga ganitong bagay, e. Once you decide na magpa-tattoo ka, ikaw ang mananagot niyan, di ba?

Kung sa tingin mo naman walang masama, e, bakit mo iisipin yung sasabihin ng ibang tao.

B: Ano ba ang meaning ng tattoo na ‘yan?
GDC: Parang connecting tattoo namin ‘to ni Alcris (younger brother niya), e, kaming magkapatid. Kumbaga, lifetime na ito, e.

Kung anuman yung mangyari sa buhay naming dalawa, alam naming may isang bagay sa katawan namin na nagkukunek. Kami pa rin yung magkasama hanggang sa huli.

Actually, second tattoo ko na ito, ‘yung isa nasa sa may bandang likuran ko. Mas nauna ‘yun. Pero siguro ito na rin yung last.

Kasi mahirap din, bilang artista kami, di ba? Usually kasi, ang tingin ng mga tao kapag may tattoo ka, rebelde ka, yung may pagka-negative yung dating. Parang gumagawa ka na ng sarili mong desisyon.

Pero para sa akin, hindi, e. It’s an art and one way of expressing yourself.

B: Ano ang reaction ng parents mo?
GDC: Siyempre, nalungkot sila dahil ayaw na ayaw talaga nila, pero ganu’n sila ka-understanding, tinanggap nila kung anuman ‘yung naging desisyon ko para sa sarili ko.

Parang malaki pa rin yung tiwala at respeto nila sa akin despite this.

B: Finally, ito na ang pinakahihintay mong break.  Bida ka na ngayon sa Grazilda. Natatakot ka ba? Pressured ka ba?
GDC: Hanggang ngayon ayoko pa ring isipin na bida na ako, basta until now, nao-overwhelm pa rin ako sa mga nangyayari. Sa pagbabago pa lang ng itsura ko sa Grazilda, kung paano nila ako suportahan, grabe!

Sinasamahan pa talaga nila ako para lang magpaayos, magpa-hair extension, tapos may sarili na akong make-up artists. So parang ayokong isipin na ito na.

Tsaka kasi once na inisip mong ganu’n, parang mao-overlook mo yung blessings, e.

So ako, ine-enjoy ko lang lahat, gusto kong tanggapin ito at pagbutihin para hindi ako magkaroon ng regrets na dumating na yung chance tapos napabayaan ko dahil sa kaiisip du’n sa idea na nagbibida na ako.

B: Deserving ka naman, kasi ang tagal mo ring naghintay?
GDC: Oo nga, e. Parang minsan lang din mangyari sa akin ito, kumbaga, hindi naman lahat ng artista nabibigyan ng ganitong break. So, the best thing that you can do, is dedicate yourself du’n sa trabaho, huwag mo silang i-disappoint.

B: Pero kabado ka na ba?
GDC: Naman! Sobra! Iniisip ko pa lang din siyempre, yung magiging feedback ng mga tao, siyempre hindi yun mawawala, pero kapag inisip mo nang inisip, baka ma-distract ka lang, baka mawala  ka sa focus.

So du’n ka na lang sumentro sa work, mas magiging productive ka kapag positive yung tingin mo sa mga nangyayari.

Nagiging inspiration ko rin naman yung mga co-workers ko, e. Yung iniisip ko, hindi lang ako yung nahihirapan, hindi lang ako yung may pasan-pasan du’n sa load ng work. So, huwag ka nang mag-complain.

B: Kinu-compare ka ngayon kay Angelica Panganiban, kasi sa GMA ikaw lang yung masasabing bida-kontrabida na tulad niya?
GDC: Oo, nga ‘no! Nakakatuwa naman ‘yun, kasi kaibigan ko si Angel, e. Parang matagal din siyang naghintay, bago niya marating yung kinalalagyan niya ngayon.

Bago niya ma-enjoy yung lahat ng meron siya ngayon.

Nagsakripisyo muna siya, kumbaga kinalimutan muna niya yung sarili niya, nag-focus muna siya sa trabaho niya, ang dami ring  intriga sa kanya, di ba?

Nakakatuwa na may kasama ka sa ganu’ng path ng career mo.

Pero ayoko ng may competition talaga, e.

Ayokong isipin na, ayan na, mayroon ka nang kasama sa ganyang genre, hindi maiiwasan ang comparison, yung paglabanin kayo, pero kumbaga sa sarili mo, nae-enjoy mo yung trabaho mo, blessed ka, tanggapin mo na lang kung ano yung meron ka.

Hindi kasi tama ‘yung mag-dwell ka du’n sa issue na may kalaban ka o may kakumpetensiya ka.

B: May time ka na ba sa lovelife mo, sa mga lalaking ‘yan?
GDC: Sa mga lalaking ‘yan? Ha-hahaha! Hindi ako nagse-search du’n sa mga lalaki.

Kumbaga, parang mahirap din kung marami kang pinupuntahan, e. Yung marami kang iniisip. Hayaan mo lang na dumating ‘yun at the right time, pero ngayon nae-enjoy ko naman lahat, hindi lang sa career, hindi lang sa family.

Siyempre may kilig-kiligan factor din. Pero hanggang du’n na lang muna.

B: Walang date-date? Bawal pa ba until now?
GDC: Meron naman, kaya balance lang talaga ang buhay ko.

Hindi ako puro trabaho lang, in fairness naman sa akin, may time pa rin naman ako sa sarili ko.

Kaya nga nakakatuwa, kasi lahat ng mga blessings na ‘to dumarating na tamang-tama lang.

Hindi lang siguro halata na nakikipag-date ako, kasi hindi rin naman ako yung tipo na nagkukuwento nang medyo personal ng mga bagay sa buhay ko.

B: Ngayon, open ka nang magka-boyfriend?
GDC: Oo naman! Sila nanay, parang hindi naman sila istrikto, e. Iyun kasi ang tingin ng iba, na laging bantay-sarado ang parents kaya walang makaakyat ng ligaw sa akin.

Hindi naman, hinahayaan lang din nila kami na mag-enjoy. Minsan kasama ko ang mga friends ko, sina Max (Maxene Magalona) , sina Alcris, hindi naman ako yung puro trabaho lang.

B: Hindi ka yung tipo ng babaeng  gabi-gabing nakikita sa bar, nakikipag-inuman sa friends?
GDC: Ay hindi. Ine-enjoy ko yung company ng friends na kami-kami lang talaga.

Minsan kasi, may tambayan kami, e, 605. Usually, kapag tumatambay kami, sa bahay lang, sa house naming, minsan sa condo nina Max, pero kapag we go out, we watch films lang, mga mall lang, shopping, shopping.

Pero yung gimik na every night sa mga bar, hindi rin, e.

Depende, kung may magagandang tugtugan, ganu’n lang. Clean fun lang.

Pero yung mga party na inuman talaga, wala naming ganu’n.  Hindi talaga ako nasanay sa ganu’n, e.  Minsan naman, we just talk.

Kapag may problema yung isa sa amin, nag-uusap kami, kung paano naming siya matutulungan o mapapagaan ang loob. Ganu’n lang kami.

B: Ano pa ang ginagawa mo kapag wala kang work?
GDC: Sa bahay lang, nanonood ng mga pelikula, nagko-compose, nagre-record.

Nakikipag-jam ako sa kapatid ko. Kasi mahilig ming mag-record kapag nagkakantahan kami.

Tapos gagawa kami ng mga songs, then kuwentuhan with friends. Kasi du’n din ako natututo sa buhay, e. Yung kapag nagse-share kami ng mga thoughts namin.

Napakagandang bonding  nu’n for us.

B: Revealing na ang mga outfit mo ngayon, ibig bang sabihin niyan, magpapa-sexy ka na?
GDC: Hindi naman. Para lang may bago daw sa akin.

B: May offer ba ang mga men’s magazine sa ‘yo para maging cover girl?
GDC: Oo, matagal na nga, e. Pero ako talagang ayaw.

Siyempre, ayokong  ma-label ng sexy. Hayaan na lang natin ‘yan du’n sa talagang mga sexy, yung may K talaga.

So, magkasya na lang sila sa mga ganito lang (sabay turo sa kanyang revealing outfit na labas ang cleavage).

Pero yung mga two-piece, parang hindi na, siguro.

Yung nasa Bora nga kaming magkakaibigan, hindi talaga ako komportable na magpakita sa public ng tiyan, kasi hindi ako nasanay, e. So, kapag ginawa ko ‘yun, ang layo-layo ko na sa sarili ko.

B: Anong kailangan nilang gawin para mapapayag ka?
GDC: Siguro huwag na lang nila akong pilitin! Ha-hahaha! Kasi hindi talaga, never na talaga.

Pero tingnan na lang natin. Ayoko lang din magsalita nang tapos, kasi baka kainin ko lang din yung mga sinabi ko, pero ngayon talaga hanggang diyan na lang. Hindi ko talaga kaya.

Read more...