BASE sa kuwento nina Dawn Zulueta at Coco Martin ay sobrang grateful nila dahil nakatrabaho nila ang isa’t isa.
Aminado si Coco na sobrang laki ng respeto niya kay Dawn dahil bukod sa professional, mabait ay maganda pa.
Alam naman ng viewers na mag-ina ang role nina Dawn bilang si Emily at Coco bilang si Daniel sa seryeng Walang Hanggan na pinaghiwalay lang ng pagkakataon at dahil parehong inapi ay natanim sa isipan nila na maghiganti sa mga taong umapi sa kanila.
At base sa kuwento ni Dawn ng dalawin namin sa taping ng Walang Hanggan sa bahay niya sa Antipolo City noong Biyernes ng gabi ay inamin niyang gagamitin niya si Coco para makapaghiganti sa pamilya Montenegro na binubuo nina Richard Gomez, Rita Avila, Paolo Avelino, Melissa Ricks at Ms. Helen Gamboa.
Sa nasabing bahay ni Emily sa Antipolo City ay kukupkupin niya si Daniel at isasama sa Italy para turuan sa paggawa ng alak.
Noong Jan. 22 nagpunta ng Italy sina Coco at Dawn at inabot daw sila ng 10 araw na talangang ninamnam ng aktres dahil first time pala niyang makarating sa Italy.
Sabi ng entertainment press kay Dawn na special sila ni Coco dahil nag-taping sila sa Italy.
“Sinabi ko nga kay Deo (Endrinal, business unit head ng Walang Hanggan), maraming Salamat at ‘yung karakter ko talaga ang napili nila na magkaroon ng opportunity na kaming dalawa ang pumunta sa Italy, kasi, as I’ve said it’s my first time rin sa Italy,” masayang kuwento ni Dawn.
At sa nasabing biyahe nakilala ng husto ni Dawn si Coco, “You know, si Coco, wala siya talagang kaere-ere, wala siyang kaarte-arte sa katawan niya, dinudumog na kami roon sa kung saan kami nagsu-shooting pero ano siya, production person siya.
Siya pa ‘yung nag-iilaw sa akin, siya pa ‘yung may hawak ng reflector. Hindi niya iniinda kasi ang dami-dami niyang fans doon.
Napakabait niya at tinutulungan pa kaming magbuhat ng bagahe namin, nahihiya nga ako kasi ang dami-dami naming dala.
Kinakarga niya pag nakikita niyang mabigat.
“He’s such a gentleman, gusto ko ngang iuwi. Gusto kong i-introduce sa asawa ko, sasabihin ko, “O, isa pa nating anak!” natatawang sabi ng aktres.
Nabanggit din ni Dawn na medyo malungkot siya ng umalis siya patungong Italy dahil kaarawan daw ito ng asawa niyang si Congressman Anton Lagdameo at dahil trabaho ang ipinunta ng aktres ay hindi siya pinigilan kaya bumawi siya ng pasalubong pagdating niya.
“Alam mo, birthday nga niya ‘yun nang umalis ako, eh, Jan. 22. Well, medyo sumama ang loob niya. That was the day of the wedding of Roman (Romulo) and Shalani (Soledad).
So, dapat sasama ako sa wedding. Wala, lumipad ako noong araw na ‘yun.”
Ang nakakatuwa, say ni Dawn, ang tawag daw sa kanya ni Coco ngayon ay “My” na mommy ba ang ibig sabihin? “Baka yummy?” mabilis na say ni Dawn na ikinatawa namin.
“So, wala lang, ganu’n lang, ilusyunin na lang natin na yummy,” tumatawang kuwento pa ni Dawn.
Bukod kay Coco ay sobrang tuwa rin ni Dawn dahil nakatrabaho niya sina Susan Roces at dati niyang boyfriend at ka-loveteam na si Richard Gomez. Sobrang thankful din daw siya sa mataas na ratings ng serye.