Kanya-kanyang scenario para sa 2016 presidential polls

WALANG mali  sa pagsasabing hindi dapat maluklok sa puwesto ang isang tiwaling opisyal—lalung-lalo na sa panguluhang posisyon.
Ngayon pa lamang marami na ang nagbababala sa atin na kapag si ganito at si ganyan ang manalong pangulo, tiyak na tiwali ang maluluklok.
Diretsuhin na natin, bakit pa ba ililigoy pa? Si Vice President Jejomar Binay ang pinatutungkulan ng mga babala.
Isa sa mga pinakahuling nagbigay babalala kung sakaling si Binay ang maluluklok ay si Senador Antonio Trillanes IV.
Ang tanong ni Trillanes, “papalitan ninyo ng tiwaling pangulo ang tapat na pangulo?”
Let Trillanes substantiate his statement. May pinaghuhugutan marahil ang kanyang pahayag.  Maaari ring meron siyang batayan.
Pero yung ganitong pananakot o babala ang siya ring pinag-uugatan nang isinusulong na ikalawang termino para kay Pangulong Aquino.
***
O sige, sabihin na natin, may akusasyong corruption laban kay Binay.  Bakit, mananalo ba siya?  Sigurado ba kayong mananalo siya?
Ang pananakot na ito ay nanganak din ng isa pang scenario: Binay-Roxas tandem naman sa 2016.
Sige patulan natin na puwede ito—lahat naman puwede sa pulitika, lahat naman puwedeng bumaliktad, lahat puwede nilang pagkasunduan.
Pero teka, nasan na yung isyu na corrupt si Binay?  Kapag pala pwedeng i-tandem kay Roxas, “cool” na, puwede na?
Puwede bang pakituwid ang mga mensahe ito? Baka sa kakasiguro ninyong kayu-kayo na lang–maungusan kayo nang inaakala ninyong mahina at napasama na ng pahina ng kasaysayan.
***
The point here is, in pushing scenarios, especially the second term for President Aquino, a glaring disrespect if not total disregard of the Constitution is again highlighted.
Sinabi ng pangulo na hindi niya yuyurakan ang pangalan at alaala ng kanyang mga magulang, at pangunahin dito ang pagtiyak na nasusunod ang Saligang Batas lalo na sa punto ng termino ng panguluhan.
Ang anim na taon para sa isang pangulo ay sapat na.
Marami ka nang ma-gagawa na maibsan ang kahirapan ng mamamayan kung iyon talaga ang naisin at layunin lalo pa kung ang panguluhan ay may pinakamataas na tiwala sa kanyang pagsisimula.
Kaya nga may panahon ng kampanya sa bawat halalan dahil sa yugtong iyon inilalatag ang mga plano para sa panguluhan kung sakaling manalo sa puwesto.
Noong 2010—nadinig natin ang mga pangako at naniwala tayo doon at lalong umasam ng katuparan ng ating mga pangarap nang ilatag ang mantel ng pamamahala sa ilalim ng Tuwid na Daan.
Sa nalalabing panahon sa panguluhan, huwag na ninyo sanang pakialaman pa ang magiging pasya ng bayan sa 2016.
Wala namang pipigil sa mga scenario na inilalatag ngayon. Dadami pa yan hanggang sa mismong panahon ng eleksiyon. Ngunit ang ikundisyon ang mamamayan ngayon pa lamang na tanging sa pamamagitan lamang ng pagpapatuloy o pagpapasa ng baton sa inaakalang karapat-dapat ay bahagi ng pangahas na pagtingin na sa iisang panig lamang maaaring magmula ang tuwid na pamamamahala. Hayaan ninyong sa susunod na halalan ay muling mangarap at muling umasam ang mamamayan. Mabigo man silang muli, ito ay kabiguan na ang mamamayan ang may pasya.

Read more...