Robin ilang beses man bumagsak, lagi pa ring nakakabangon


Ganu’n na lang ang papuri kay Robin Padilla ng aming PA na si Sammy Villaresis nang kunin ito ni Betchay Vidanes, manager ng action star, para mang-aliw sa audience ng malapit nang mapanood na Talentadong Pinoy ng TV5.

Sina Robin at Mariel na nga ang titimon sa malawakang talent show ng Happy Network, sa August 16 ay mapapanood na ang Talentadong Pinoy, matatapos na ang pananabik ng ating mga kababayan na matagal nang naghihintay sa pagbabalik sa ere ng programa.

Kuwento ni Sammy, “Pagkatapos ng taping, may announcement si Robin, sabi niya, ‘Lahat po ng mga magpapa-picture at magse-selfie diyan na kasama ako, dito na po tayo sa isang corner ng studio!’

“Du’n niya in-entertain ang lahat ng mga nagpa-picture taking sa kanya, wala siyang iniwan dahil lahat, nabigyan niya ng pagkakataon. Mabait siya, walang kaere-ere, madali siyang mahalin,” kuwento ng aming PA.

‘Yun na ang kanaturalan ng ugali ni Robin Padilla, sa estado niya ngayon na wala na siyang dapat pang patunayan ay kinaya niyang hindi mawala ang pagiging mapagkumbaba niya, kahanga-hanga ang mister ni Mariel Rodriguez.

“Saka nagpapaalam siya sa lahat bago siya umalis, pinasasalamatan niya ang lahat ng nakasama niya sa taping, matapik ka lang ni Robin Padilla, e, napakalaking honor na, di ba?” papuri pa rin ng aming PA na si Sammy Villaresis.

Kaya naman bumagsak man si Robin Padilla ay lagi siyang nakababangon, kapalaran ang nagtatayo sa kanya, ganu’n kabait ang panahon sa may mabubuting puso.

( bandera.ph file photo )

Read more...