Puro salita, kulang sa gawa

MUKHANG wala nang maisip na matino ang mga kaalyado ni Pangulong Noynoy at pati ang kanyang pangalawang termino ay isinusulong na.

Sinasaad ng Saligang Batas ang isang anim na taong termino ng Pangulo.

Therefore, nakakatawa ang panukala nina Interior Secretary Mar Roxas at Caloocan City Rep. Edgar Erice na bigyan ng isa pang pagkakataon si Noynoy Aquino na makapagsilbi sa bayan.

Ibig ni Roxas at Erice na baguhin ang Constitution upang maigiit nila ang kanilang gusto.

Pero ayaw naman daw ni P-Noynoy ng ikalawang termino, ayon sa Malakanyang.

O, baka naman hele-hele, bago kiyere o pakipot lang ang Pangulo sa panukala nina Roxas at Erice.

Ang balita ay ipinag-utos niya sa kanyang mga kaalyado na ipalutang ang panukala ng pa-ngalawang termino para sa kanya.

Pero kung ganoon, hindi katugma yung nabalitaan ko na hirap na hirap si P-Noynoy sa pressures of office at gusto na nga niyang magbitiw.

Anyway, dumidistansya raw ang Pangulo sa panukala nina Roxas at Erice.

Kung wala nang maisip si Roxas at ibang kaalyado ng Pangulo, dapat ay isara na lang nila ang kanilang mga bibig.

Nagmumukha silang bobo’t tanga sa kanilang panukala.

Ang panukala ni Roxas na palawigin ang termino ni P-Noynoy ay
upang kabahan ng kahit kaunti si Vice President Jojo Binay na atat na atat namang umupo sa Malakanyang.

Kung magkaka-eleksiyon bukas ay tiyak walang panalo si Roxas kay Binay para sa pagka-Pangulo.

Natalo ni Binay si Roxas noong nakaraang eleksiyon sa puwesto ng Vice President.

Ang labanan ng dalawang magkatunggali para sa puwesto ng pangulo sa 2016 ay second round bout. The first round, of course, was won by Binay in the last national elections.

At dahil malayo si Roxas kay Binay sa popularity surveys, gusto niyang pakabahin si Binay.

Siyempre, alam ni Roxas na walang mangyayari sa kanyang panukala na baguhin ang Constitution upang mabigyan ng pangalawang termino si Aquino.

Pero gusto lang ni Roxas na maging sutil.

Dahil lang inisnab ng Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang Kamara de Representantes na iniimbestigahan ang pagtustos ng Judiciary Development Fund (JDF), gustong i-impeach ng ilang mga mambabatas si Sereno.

Mali ang timing ng imbestigasyon ng Kamara sa JDF dahil alam ng taumbayan na ito’y resbak lang sa ruling ng Korte Suprema na nilabag ni P-Noy ang Constitution sa kanyang Development Acceleration Program (DAP).

Marami kasing mambabatas ang nakinabang sa DAP ni P-Noynoy kaya’t gusto nilang gantihan ang Supreme Court.
Gusto sigurong ipaabot ng mga mambabatas kay Pangulong Aquino na tumatanaw sila ng utang na loob sa Malakanyang dahil sa mga biyaya na naibigay nito sa kanila sa pama-magitan ng notorious na Priority Development Assistance Fund (PDAF) at DAP na dinesisyunan ng Supreme Court na unconstitutional.

Dahil sa bawal na ang PDAF at DAP, wala nang pagkakitaan ang mga mambabatas.

Kaya’t niyaya nila si Sereno sa Kamara upang ipahiya ito habang kinikuwestiyon kung paano ginastos ng Supreme Court ang JDF.

Pero di sila pinag-
bigyan ni Sereno.

Mabuti naman dahil ang imbitasyon kay Sereno ay paglabag ng coequality principle ng executive, legislative at judicial branches of government.

Sa ilalim ng nasabing principle, ang Malakanyang, Kongreso at Supreme Court ay pareho sa ranggo o co-equal. Dahil dito ay dapat igalang ng tatlong sangay ng gobyerno ang isa’t isa.

Nakakalungkot ang mga nangyayari sa ating gobyerno dahil walang nagagawang mabuti para sa taumbayan.

Tama si Davao City Mayor Rody Duterte sa kanyang tinurang, “The trouble with us in government is that we talk too much, act too little and do too little.”

Ang hirap daw sa mga tauhang ng gobiyerno ay masyado silang madaldal, pero mabagal kumilos at kakaunti ang ginagawa, ani Duterte.

Read more...