Torres, Diaz puntirya ang puwesto sa Asiad

DALAWANG Olympians ang magtatangka na makakuha ng upuan sa 17th Asian Games delegation sa pagsalang sa magkahiwalay na performance trials ngayon.

Si Marestella Torres ang unang sasalang sa Ultra Track Oval at kailangan niyang maabot ang 6.37-meter leap para maselyuhan ang puwesto sa pambansang koponan.

Nanganak noong  Enero, may dalawang torneo na ang sinalihan ng Southeast Asian Games record holder sa long jump sa 6.71-metro na ginawa sa Hong Kong at Vietnam.

Nanalo siya ng ginto sa Hong Kong sa 6.26m marka pero nalagay sa pilak sa Vietnam sa mababang 6.14m. Umapela ang Philippine Amateur Track and Field Association (Patafa) na bigyan pa siya ng isang pagkakataon bagay na positibong tinugunan ng Asian Games Task Force sa pangunguna ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman at Chief of Mission Ricardo Garcia.

Sa ganap na alas-2 ng hapon ay si Hidilyn Diaz naman ang magbabaka-sakali na makahabol sa mga maglalaro sa Incheon, South Korea. Sa Philippine Weightlifting Association (PWA) gym gagawin ang pagbuhat ni Diaz na kung saan dapat na maabot niya ang 225 kilograms na marka.

Huling laro ni Diaz ay nangyari sa Philippine National Games noong Mayo at kahit nanalo siya ng gintong medalya, mababa ang kanyang naitala sa 215kg total mula sa 95kg sa snatch at 120kg sa clean and jerk.

Si Garcia at Philippine Olympic Committee (POC) chairman at Task Force member Tom Carrasco Jr. ang mangunguna sa sasaksi sa talon at buhat nina Torres at Diaz.

Read more...