PERSONAL na nagtungo sa Radyo Inquirer si Eddie upang humingi ng tulong hinggil sa kaniyang kalagayan. Anim na taon na ang nakararaan, isang tawag sa telepono ang natanggap ni Eddie sa kaniyang misis at sinabing nasa airport na siya at paalis na siya para makapagtrabaho sa abroad.
Walang kamalay-malay si mister na tumatakas pala si misis upang ayusin ang kaniyang mga dokumento. Araw-araw sa pag-alis ng asawa, umaalis din si misis.
Kaya nang tanggapin niya ang tawag na iyon, nagmamadali siyang nagtungo sa airport upang makausap ang asawa, ngunit wala na siyang inabutan doon. Hindi rin sinabi nito kung saang bansa siya pupunta.
Matapos ang tatlong buwan, nagawang tumawag ni misis. Ngunit tanging nasabi lamang niya na ayos naman ang kaniyang kalagayan, ngunit wala pa ring sinasabi ito sa mister niya kung nasaang bansa nga siya naroroon.
Nang magsimulang mag-check na si mister kung saan nga ito nag-abroad, wala siyang makitang pangalan nito gamit ang kaniyang apelyido. Huli na nang malaman niyang ginamit pala ni misis ang kaniyang apelyido sa pagkadalaga.
Labis pang ikinasama ng loob at ikinagagalit ni Eddie na alam pala ng buong pamilya ng babae na aalis ito at kung saang bansa siya nagpunta. Maging ang ina ni misis na nakatira pa man din sa kanilang tahanan at inalagaan ni Eddie sa loob ng 19 taon, alam din pala, ngunit nagawa nilang lahat na itago iyon kay Eddie.
Hanggang ngayon hindi pa rin ito nagpapakita sa kaniya. Tanging nabalitaan lamang niya, nasa United Arab Emirates ang asawa. Parehong binata na rin ang kanilang dalawang anak ngunit hindi nagtapos sa pag-aaral dahil sa labis din ng sama ng loob sa pagkawala ng ina.
Nang araw na nagtungo si Eddie sa radyo, naroon din si Atty. Deo Grafil ang head ng Legal at OFW Concerns sa tanggapan ni Vice President Jejomar Binay.
Tanong ni Eddie kung sakaling malaman niya kung saan nagtatrabaho si misis, maaari ba niyang himukin ang employer nito na pauwiin na lamang sa Pilipinas ang asawa? At kung ano naman ang puwedeng panagutan nito sa batas dahil ginamit niya ang pangalan niya sa pagkadalaga.
Naisagot naman ni Atty. Grafil na dapat munang masiguro kung talaga bang lumabas ng bansa si misis. O di kaya’y kung nakabalik na ito ng Pilipinas, maaari pa ring malaman sa pamamagitan ng Bureau of Immigration kung may arrival record ito.
Hindi rin maoobliga ang employer ng OFW na pauwiin ito dahil sa problema sa pamilya. At wala ring ‘anyang pananagutan sa batas si misis sakali mang hindi nito ginagamit ang apelyido ng asawa.
Hangad ng Bantay OCW na matagpuan nga si misis sa lalong madaling panahon at magkaroon na rin ng kapayapaan ang bawat isa sa kanila upang matapos na ang problemang kinakaharap.