Mga Laro Ngayon
(The Arena)
2 p.m. EAC vs JRU
4 p.m. St. Benilde vs Arellano
Team Standings: San Beda (7-1); Arellano (6-2); Perpetual Help (4-3); St. Benilde (4-3); JRU (4-3); Lyceum (5-4); San Sebastian (3-5); Letran (2-5); EAC (2-5); Mapua (1-7)
SUSUBUKAN ng Arellano University na makalapit sa nangungunang San Beda College sa pagpapatuloy ngayon ng 90th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Makakasagupa ngayon ng Arellano Chiefs ang bumabangong College of St. Benilde Blazers umpisa alas-4 ng hapon.
May 6-2 karta ang Chiefs at galing sila sa 63-62 panalo sa Letran Knights para makabangon buhat sa 98-99 triple overtime pagkatalo sa kamay ng host Jose Rizal University Heavy Bombers.
Ikalawang laro ang tagisan at magsisimula matapos ang unang pagkikita ng JRU Heavy Bombers at Emilio Aguinaldo College Generals sa ganap na alas-2 ng hapon.
Ang Blazers, Heavy Bombers at pahingang University of Perpetual Help Altas ay magkakasalo sa ikatlong puwesto sa 4-3 karta.
Kung manalo ang dalawang nabanggit na koponan, lalapit sila sa isang laro sa Chiefs para humigpit ang labanan sa pangalawang puwesto.
Number one scoring team ang Arellano sa ibinibigay na 84.5 puntos dahil sa magandang ipinakikita nina Keith Agovida, John Pinto, Jiovani Jalalon at Dioncee Holts.
Pero nais ni Arellano coach Jerry Codiñera na magpakita rin ng matibay na depensa ang mga alipores.
“We have to stop their top three players,” wika ni Codiñera na ang tinutukoy ay sina Mark Romero, Paolo Taha at Jonathan Grey na nagbibigay ng 15.71, 13.43 at 11.57 puntos.
Pinapaboran ang Heavy Bombers sa Generals dahil nakikitaan ng mas magandang pagtutulungan ang mga manlalaro ni JRU coach Vergel Meneses.
Ngunit hindi sila puwedeng magkumpiyansa dahil mataas ang morale ng mga bataan ni EAC coach Gerry Esplana nang putulin nila ang limang sunod na kabiguan sa 89-78 pananaig sa Mapua.