PARA kay Alfred Aroga, ang matulungan ang kampanya ng National University ang siya niyang pinagtutuunan ng pansin kaya’t todo-bigay siya sa bawat laban.
“I can’t talk like an individual player because everything that matters is the team,” wika ni Aroga na tinulungan ang Bulldogs sa dalawang sunod na panalo sa nagdaang linggo para manguna sa UAAP Season 77 men’s basketball sa 5-1 karta.
Naghatid si Aroga ng 12 puntos, 12.5 rebounds, 3.5 blocks at 2.5 assists average sa naitalang 62-25 at 57-55 panalo laban sa Adamson University at University of the East.
May anim na puntos lamang si Aroga kontra sa Falcons pero humablot siya ng 10 rebounds bukod sa anim na blocks para mapahirapan sa pagpuntos ang Adamson.
Sa dikitang laro laban sa Red Warriors, nagtala ng double-double na 18 puntos at 15 rebounds si Aroga bukod sa isang block.
Ang 6-foot-7 na si Aroga rin ang nagpreserba sa dalawang puntos kalamangan ng koponan nang sabayan ang umatakeng si Roi Sumang para hindi maidiretso ang layup tungo sa krusyal na mintis.
“I just did my best in trying to execute what coach wanted me to do,” paliwanag nito. “We’re just playing as a team and we just care about helping each other being better.”
Ang ipinakita ni Aroga ay sapat na para siya ang gawaran ng UAAP Press Corps-Accel Quantum Plus/316 Player of the Week na suportado rin ng Bactigel hand sanitizer, Doctor Jr Mighty Alcohol at Mighty Mom Anti-bacteria.
Sina Ateneo Blue Eagles guard Kiefer Ravena at Far Eastern University Tamaraws forward Mark Belo ang iba pang manlalaro na ikinonsidera sa lingguhang parangal.
( Photo credit to inquirer news service )