HINDI na si Angeli Pangilinan-Valenciano ang manager ni Jericho Rosales mula pa noong Agosto 1, nasa Cornerstone Talent Management Center at Star Magic na ang aktor.
Nabasa ng kaibigan naming mahilig sa showbiz ang post ng Star Magic kahapon na, “Welcome Jericho.” Sayang nga dahil nakita namin ang may-ari ng Cornerstone na si Erickson Raymundo sa gala night Cinemalaya entry ng “S6parados” sa CCP noong Linggo ng gabi pero hindi namin naitanong ang tungkol sa bago niyang alaga.
Nakakagulat dahil pagkalipas ng walong taon ay iniwan ni Echo ang Genesis na malaki ang naitulong sa karera niya simula nang umalis siya sa Star Magic.
Tinext namin ang publicist ng Genesis na si Chuck Gomez tungkol dito na tumawag naman agad sa amin. “Kapatid, honestly, wala po akong alam kung bakit umalis si Echo sa Genesis, siguro mas maganda kung siya (Jericho) ang tanungin ninyo kasi okay naman sila ni tita Angeli.
“Effective August 1, nasa Star Magic na siya at Cornerstone, August 2, magdamag kaming magkakasama pa sa concert ni sir Gary (Valenciano), so okay kami, okay sila nina tita Angeli at sir Gary.
“Sabi nga ni tita Angeli, ‘Echo will always be a family to us’ kasi kapatid, paano namang hindi, ninang at ninong nila sa kasal sina tita Angeli at sir Gary, bestfriend ni Echo si Gab (Valenciano), at hindi biro ang eight (8) years na pinagsamahan nila, alam mo ‘yan,” kuwento sa amin.
Tinatapos na lang daw lahat ni Echo ang mga proyektong naisara ng Genesis at marami raw ito kabilang na ang product endorsements. Oo nga, tanda namin ay lumamlam ang karera ni Echo nang mag-concetrate siya sa pagkanta-kanta dahil hindi siya kinagat dito at ito rin ang panahong sobrang in-love siya kay Heart Evangelista na nauwi rin lang sa wala.
Uminit ulit ang career ni Echo nang balikan niya ang pag-arte hanggang sa nagkasunud-sunod na, ang huli nga ay ang The Legal Wife kung saan talagang hinangaan nang husto ang aktor.
Kaya balik-tanong namin kay Chuck, ano ang kulang ng Genesis para iwan ni Jericho? “I don’t know kapatid, you should ask him. Pero okay talaga kami, okay sila nina tita Angeli, saka si Kim (Jones-Rosales), Genesis ang nagha-handle ng career, so walang bad blood talaga,” pahayag sa amin.
Samantala, may narinig kami na tila type raw ni Echo na subukan ang international concert scene bagay na hindi naibigay ng Genesis sa kanya. Marahil kaya niya napili ang Cornerstone Talent Management ay para matupad ang pangarap niyang ito dahil isa ito sa forte ni Erickson bilang manager nina Sam Milby, Richard Poon, Markki Stroem, Thor, Liezel, Angeline Quinto, Erik Santos at Yeng Constantino na pawang kaliwa’t kanan ang pagtatanghal sa ibang bansa.
( Photo credit to EAS )