WALANG nakitang labis na katuwaan ang mga biktima ng bagyong Yolanda, lalo na sa mga bayan ng Homonhon, Wright, Palo, Tanauan at Tacloban City, nang isumite ng pulis na si Panfilo Lacson, na minsa’y naging pugante at hindi nahuli, ang P170.9 bilyon Comprehensive Rehabilitation and Recovery Plan (CRRP) kay Pangulong Aquino pagkatapos ng Misang paggunita kay Corazon Aquino, na naging pangulo dahil sa tulong ng military na pinamunuan noon nina Juan Ponce Enrile at Fidel Ramos. Dalawang lalawigan (ang pangunahing turan) iyan: Samar at Leyte. Dambuhala ang CRRP, dahil ito’y kinabibilangan ng Local Government Units Recovery and Rehabilitation Plans (LRRPs) ng Cebu, Western Samar, Leyte, Eastern Samar, Iloilo at Tacloban City, na sakop ay 104 sa 171 winasak na mga bayan ni Yolanda, base sa inaprubahan ng anak nina Ninoy at Cory noong Hulyo 25. Kung hindi kasama ang maliit at liblib na bayan ninyo, sori.
Nang dahil sa inaprubahan na ito ni Aquino, P96 bilyon ang agad na “downloaded” mula sa Department of Budget and Management, ang ahensiyang pinamumunuan ng paboritong si Florencio Abad politician, para sa “deployment” sa iba’t ibang rehab projects. Hindi alam ng mga Waray kung anu-ano at saan-saan ang “iba’t ibang rehab projects” dahil sina Aquino, Lacson at Abad lamang ang nakaaalam ng mga ito. At mas lalong hindi ito alam ni Martin Romualdez dahil, ayon kay Mar Roxas, hindi Aquino ang kanyang apelyido, noong namimilipit pa siya sa hagupit ng katatamang Yolanda. “Full-scale master plan” daw at sakop ang infrastructure, livelihood, resettlement, social services at livelihood support ang CRRP. Sa madaling salita, hindi ito maintindihan ng naka ngangang mga biktima ni Yolanda na nagkasya nang manirahan sa kinumpuning mga guho, tulad ng nagmimisang mga pari sa mga simbahan at katedral na sinira ng bagyo. Ang Office of the Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery (OPARR) daw ang magiging chief coordinator ng programa, mga aktibidad at proyekto na isasagawa ng lahat ng “Cabinet departments, national government agencies and local government units.” Nasusundan pa ba ninyo, ng mga biktima ni Yolanda, ang daloy ng tulong? Mas lalong nahilo ang ating kaagapay na pitong lasing sa Batangas at sa kanilang pananaw ay mas lumabo pa ito sa sabaw ng pusit. Sadya yatang ganyan ang pakikitungo ng gobyerno, sa pangunguna ng Atenista, sa arawang obrero, sa mahihirap; sa salat ang pinag-aralan at lalong si di nakapag-aral, na bumoto sa anak ni Cory sa pag-aakalang matino ito.
Heto pa: ani Lacson, may “cluster action plans” pa ang CRRP mula sa Recovery Assistance for Yolanda (RAY 1),
Post-Disaster Needs Assessment (PDNA) ng Office of Civil Defense, at mga plano’t programa pa ng OPARR mula sa “Building Back Better and Safer.”
Whew! Susme! Gets mo ba, Jun …8368 ng Abuyog, Leyte?
Simula Nob. 15, 2013, sanlinggo simula nang manalasa si Yolanda, walang kinatawan ng Social Weather Stations, Pulse Asia, Ibon Foundation, Bayan Muna, atbp., ang nag-survey sa lupaing Waray at tatanungin kung sang-ayon ba sila sa pamamalakad ng gobyerno, ng kuya ni Kris. Pero, kung titingnan at susuriin ang makukuhang positibo mula sa negatibo, ang liwanag mula sa dilim na dulot ni Yolanda, ang pag-asa mula sa pagkakasadlak sa pagdadalamhati’t dusa, nakabawi sana sina Aquino at Mar Roxas kung agad na tumugon sila sa pangangailan ng biktima’t dukha. Kung tumugon lamang sila sa pangangailan ng Waray, super-sikat sana sila at di na kailangan ang Romualdez. Pero napakatagal at napakabagal ang tugon nila sa pangangailangan ng mahihirap. Dahil ba sa mahihirap lang sila? Malaking kasalanan ang pagkakait ng tulong sa mahihirap, naturingan pa namang Katoliko kayo!
Hindi bibigyan ng Waray ng mataas na rating ang gobyerno dahil sila’y nagngangalit. Tulad ng pagngangalit noong Agosto 23, 2010 sa bus sa Luneta, sakay ang 25 turista mula sa Hong Kong; tulad ng pagtatanggol ng gobyerno noong Dis. 10, 2010 sa Morong 43, na ang ilan ay umaming komunistang NPA, at ang iba’y nadakip at napaslang na NPA sa sumunod na mga taon. Kinumpirma noon ni Gregorio Pio Catapang Jr., na ang nadakip ay kabilang sa Morong 43. Ngayon, si Catapang ang pinuno ng Armed Forces. Wala pa rito ang namatay na mga Waray sa bagyong Yolanda, na hindi pinahalagahan ng gobyerno, sa pagnanais ni Aquino na huwag umabot sa 10,000 ang mga nasawi. Dahil sa ayaw bilangin ng buhay sa Maynila ang patay na mga Waray, ayaw na rin silang galangin at kilalanin. Maliwanag iyan sa nilalaman ng masalimuot, malabo at nakalilitong rehab program ng pulis na si Lacson, na nakangiting inaprubahan naman ng solterong Aquino.
Labing-walong buwan na lamang ang nalalabi para magtrabaho sina Lacson at Aquino. Sa masalimuot, malabo at nakahihilong rehab program na isinumite, kahit ang bagong topnotcher sa Certified Public Accountant exams, na nagmula sa Tacloban City, ay mahihirapang kuwentahin ito.
Sige nga. Kuwentahin mo nga. Mare-rehab ba ang Samar at Leyte?
Waray, gets mo?
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...