Mga Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
2 p.m. UP vs La Salle
4 p.m. Ateneo vs UST
Team Standings: NU (5-1); Ateneo (4-1); UST (3-1); FEU (3-2); La Salle (3-2); UE (2-3); Adamson (0-5); UP (0-5)
NAGPATULOY ang kapit ng National University sa liderato sa 77th UAAP men’s basketball nang padapain ang host University of the East, 57-55, kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Si Alfred Aroga ay mayroong 18 puntos at 15 rebounds at ang kanyang depensa laban sa umatakeng si Roi Sumang ang siyang nagpreserba ng dalawang puntos na kalamangan ng Bulldogs tungo sa ikalimang panalo sa anim na laro.
“I commend the boys on their resiliency. They refused to lose,” wika ni NU coach Eric Altamirano. Kumapit pa ang Ateneo sa ikalawang puwesto nang kunin ang ikaapat na panalo sa limang laro sa 81-78 panalo sa Far Eastern University sa ikalawang laro.
May 23 puntos si Kiefer Ravena at 12 rito ay kanyang ibinuhos sa huling yugto. May pitong sunod na puntos siya sa isang parte ng laro para itala ng Blue Eagles ang pinakamalaking kalamangan sa laro na 75-66, habang tatlo pang free throws ang kanyang ibinigay sa huling 12 segundo upang balewalain ang pagdikit hanggang dalawang puntos ng Tamaraws.
Kailangan ng Ateneo na maipanalo ang huling dalawang laro laban sa UST at UE para tapusin ang first round sa unang puwesto.