Iverson magko-coach sa ‘All In Basketball’


MATAPOS na maipakita ang kanyang husay sa hardcourt, ipapakita naman ngayon ni dating NBA superstar guard Allen Iverson ang kanyang galing sa pagko-coach.

Ito ay matapos na pormal na ilunsad kahapon ang ‘All In Basketball’ charity game sa ginanap na media launch sa NBA Cafe Manila sa SM Aura, Taguig City.

Si Iverson, na dating Rookie of the Year at Most Valuable Player sa NBA, ay magko-coach sa Ball Up Streetball Team na binubuo ng mga And1 streetball players na sina Air Up There, Bone Collector, G Smith, The Professor, AO at Mr. Afrika. Sasamahan din sila ng mga dating NBA players na sina Steve Francis at Eddy Curry.

Makakasagupa naman nila ang isang select local team na kinabibilangan ng mga mahuhusay na manlalaro mula sa top collegiate leagues ng bansa na UAAP at NCAA at PBA Legends.

Ang charity basketball game na inorganisa ng PCWorx ay para naman sa Gawad Kalinga. Isasagawa ang laro sa Nobyembre 5 sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ang dating NBA All-Star guard na si Iverson, na naglaro sa Philadelphia 76ers, Denver Nuggets, Detroit Pistons at Memphis Grizzlies, ay darating sa bansa sa Nobyembre 3.

Magsasagawa naman siya ng basketball clinic sa Payatas, Quezon City kasama ang piling UAAP at NCAA players at mall tour sa SM Megamall at SM North Edsa sa Nobyembre 4.

Read more...