INIULAT ng Philippine National Police (PNP) na 40 porsiyento ang crime solution efficiency ng pambansang pulisya.
Yan ay 4 na krimen na nalulutas sa 10 krimen na nirereport sa pulisya.
Ipinagmalaki ng PNP na ang crime solution ay “all time high” o pinakamataas.
Bilang dating crime reporter, ang 40 porsiyentong crime solution ay mababa. Para sa inyong lingkod, hindi papasa ang 40 porsiyento.
Noong ako’y reporter na nagko-cover ng Western Police District (WPD) magmula ng 1978 hanggang 1987, ang pulisya ay nakakalutas ng 6 hanggang 7 krimen na inirereport sa pulisya.
Ibig sabihin, 60 hanggang 70 porsiyento ang krimen na nalulutas noon ng WPD na ngayon ay Manila Police District.
Yun ang mga panahon na ang pulis Maynila ay binabagayan sa bansag na “Manila’s Finest.”
But I can only speak for the crime solution efficiency of the WPD dahil hindi naman ako nag-cover ng ibang police districts sa Metro Manila.
Pero masasabi ko na ang WPD crime solution efficiency na 60 hanggang 70 percent ay standard sa bansa noon dahil ang Maynila, bilang capital city, ay pinakamataas ang crime rate.
Bilang isang beteranong crime reporter, ito ang maipapayo ko upang mapababa ang crime rate:
Dapat ang emphasis ng PNP ay ang pagsugpo ng krimen bago pa man ito maganap, sa halip na lutasin ang isang krimen matapos itong maganap.
Ang pagsugpo ng krimen bago ito maganap ay pangunahing trabaho ng pulisya; ang pagtugis sa mga kriminal matapos ang krimen ay pangalawa lamang.
Dahil kulang ang ating kapulisan—a ratio of 1:700 na ang dapat ay isang pulis sa 500 katao o 1:500—ang PNP ay kinakailangang bumili ng mas maraming patrol cars, motorsiklo o bisekleta upang mas malawak na lugar ang maaabot ng pulis sa patrolya.
Ang pulis na nakasakay sa patrol car, motorsiklo o bisekleta ay madaling makararating sa pinangyarihan ng krimen.
Dahil sa malawak ang lugar ng kanyang coverage, ang pulis na may pampatrolyang sasakyan ay mas mabilis ang pagdating sa crime scene kesa isang pulis na lumalakad.
Nakikita pa ng taumbayan ang isang pulis sa kalye dahil sa malawak ang lugar na kanyang naaabot.
Pero kasama sa mabilis na pagdating sa crime scene, kinakailangan din ng bawat pulis na nagpapatrolya ang isang hand-held radio.
Mabilis matugunan ng pulisya ang alarma sa krimeng nagaganap kapag may magandang coordination ang headquarters o station sa mga pulis na nasa kalye.
Sa Metro Manila, kung saan may problema sa traffic, ang pulis na nakasakay sa bisekleta o motorsiklo ay puwedeng labas-masok sa mga puwang ng mga sasakyang nakahimpil o dumaan sa sidewalk.
Ang pulis na nakikitang nagpapatrolya sa kalye ang pumipigil ng krimen.
Maliban na lang kung ang isang kriminal ay kasabwat ang pulis na nagpapatrolya sa kalye o nakaposte sa mataong lugar, mag-iisip ng dalawang beses ang isang kriminal na gumawa ng masama.
Ang husay ng kapulisan ay nasusukat sa mabilis na pagdating nito sa pinangyayarihan ng krimen.
Halimbawa, sa New York, ang mga pulis ay dumarating sa crime scene apat na minuto matapos matanggap ang alarma.
Sa Singapore, ang mga pulis ay nasa crime scene tatlong minuto matapos maiulat ang krimen.
Sa Hong Kong, dalawang minuto lamang ang pagdating ng mga pulis sa crime scene matapos matanggap ang alarma.
Sa Metro Manila, ang pulis ay nasa crime scene ng ilang segundo lamang.
Ha, bakit naman napakabilis?
Dahil ang mga pulis mismo ang kriminal.
Bwahahaha!