Tuwid na daan nga ba?

BAGO ako nakinig ng ika-limang State of the Nation Address ni Pangulong Aquino, binalikan ko muna ang mga nauna niyang SONA.

Ipinakilala sa ating lahat ang konsepto at layunin ng Tuwid na Daan laban sa Baluktot na Daan na ang pinatutungkulan ay ang naging pamamahala nang sinundan niyang si Gloria Arroyo.

Malakas ang palakpakan noon, at mataas ang tiwala sa pangulo na tinitingnan nilang hindi maaaring gumawa o mag-isip ng ikasasama ng bansa at ng taumbayan.

Una pa lamang, inilatag na niya ang usapin tungkol sa tunay na estado ng National Budget.

Sinabi niya na 6.5% na lamang ng P1.3 trillion budget ang natiira sa pambansang kaban. Doon pa lang, may himig na meron siyang ilalatag na reporma.

Sa dulo ng kanyang unang SONA, nagbilin siya na “tungkulin ng bawat Pilipino ang bantayan ang mga pinunong niluklok sa puwesto”, yun ang sabi niya noon at sana’y naalala niya ngayon.

Sa kanyang ikalawang SONA, marami ang pumalakpal sa simbolismo ng “wangwang” at sa panibago niyang expose ng isa na namang anomalya ng kapeng binili ng PAGCOR sa halagang P1-bilyong piso.

Pinangakuan tayo ng pagbawas sa suliranin ng kakulangan sa suplay ng bigas.

Sa katunayan, may 15.6% increase pa nga raw sa rice production, yun ang sabi noon ng pangulo.

In the second SONA, the word innovative was used in describing the fiscal approach that “saved taxpayers P23 billion in the first four months” referring to fiscal year 2011.

Bigyang pansin ang salitang “saved”, na resulta ng “innovative fiscal approach.” Nais kong bigyang pansin na sa pagtatanggol ng pangulo at ni Budget Secretary Florencio Abad, nagamit ang mga katagang “fiscal innovation.”

“Walang imposible sa nagkakaisang Sabayanang Pilipino”—ito naman ang tinukoy niya sa ikatlong Sona noong 2012.

Sino ang makakalimot sa sinabi niyang ito, “Relief goods became ready before storms come.”

Mangyayari pala sa hinaharap ang bagyong Yolanda at alam na natin ang nangyari at lalong alam natin kung ano ang nangyayari at hindi pa nangyayari sa mga komunidad na sinalanta ng bagyong Yolanda lalong lalo na sa Tacloban City.

Muli sa usapin ng budget, “wasteful spending cut” yun ang sabi ng pangulo. Maraming proyektong ipinagmalaki ang pangulo, kabilang dito ang 1,520 sitio na nabigyan na ng elektrisidad ng Department of Energy.

Narinig nating muli kamakailan lamang ang pagmamalaki sa proyektong ito ngunit bilang bahagi na ng pagtatanggol ng DAP.

Binigyang diin pa sa atin ng pangulo sa kanyang ikatlong SONA na ang bawat sentimo na nakokolekta ng pamahalaan bilang buwis ay inilalagay o inilalagak sa tamang gastusin.

Sa kasalanan ng administrasyong sinundan niya, ang sabi ng pangulo, ang magpatawad ay maaari, ang makalimot at hindi lalo pa’t kung hindi mapaparusahan ang mga nanamantala sa kaban ng bayan.

Bigyang diin natin ang huling mga salita, “kung hindi mapaparusahan ang mga nanamantala sakaban ng bayan.”

Sa kanyang ika-apat na SONA, muli ang pagmamalaki sa sitio electrification project. Mainam. Nasaksihan natin ito, at ang proyektong ito ay inaayunan kong dapat na bigyan ng pansin.

Ang hindi nilinaw noon, ito pala ay hindi bahagi ng pondong kongreso ang nagtakda na naaayon sa batas kundi mula sa pondong sabi ng Korte Suprema ay hindi nito maaaring basta galawin ng ganun-ganun lamang at pagpasyan ng sila lamang.

Pero Hulyo pa lamang noon, hindi pa pumuputok ang kontrobersiya ng DAP.

Ang ika-apat na SONA ay humimay sa iba pang proyekto na muli nadinig natin kamakailan lamang, tinustusan pala mula sa DAP.

Tama rin naman ang sangay ehekutibo, hindi nila itinago, pinahagingan na tayo sa simula pa lamang na maglalatag sila ng mga paraang magpapabago ng sistema lalo na sa pananalapi, gastusin at gugulin ng pamahalaan.

Ngunit dahil sa naging napakataas ng tiwala ng sambayanan sa panguluhang ito sa simula pa lang, inakala na ang lahat, sa ngalan ng inobasyon at reporma ay maaari ng gawin.

Nalimutan na may ibang sangay ng pamahalaan na dapat na isaalang-alang. Nalimutan na hindi lamang sila ang tanging tinig ng tama at mabuti para sa bayan. Nalimutan na ang baluktot na daan na pinanggalingan, anumang paraan na ginamit at tinahak nito ay hindi na dapat nang balikan pa o gamitin pa sa paraang iba lamang ang bihis. Magara sa panlabas, marungis naman pala sa kaibuturan.

Read more...