IN fairness, super nag-enjoy naman kami sa panonood ng It’s Showtime last Saturday.
Isa kasi kami sa mga naimbitahan para makisaya sa live episode ng nasabing noontime show ng ABS-CBN.
Sa ngalan ng pagiging totoo, masasabi kong may mga segments pa rin na medyo mabagal pa ang dating, may mga hosts din na hindi pa makapagbigay ng bonggang-bonggang energy para mas maka-attract pa ng viewers.
Pero sa kabuuan nito, may promise naman ang show na makalaban sa katapat nitong Eat Bulaga sa GMA.
Hindi na namin babanggitin kung sino ang mga hosts na medyo matamlay pa ang dating, pero sana mapantayan man lang nila kung hindi man malagpasan ang ibinibigay na energy nina Vice Ganda at Anne Curtis sa show.
Yes, sina Vice at Anne ang masasabi naming poste ng It’s Showtime at naniniwala kami na aariba sa ratings ang programa kapag nag-effort din ang kanilang mga kasamahan.
And korek na korek ang comments ng ilang nakakausap namin about It’s Showtime, kailangang mas tutukan pa rin nila ang showdown ng mga pambatong performing groups sa iba’t-ibang panig ng bansa dahil ito pa rin talaga ang inaabangan at labs na labs ng mga televiewers.
In fairness uli, amazed na amazed kami sa mga grupong nag-perform last Saturday kung saan tinanghal na weekly winner ang Amazing Paper Dolls.
Sabi nga namin, ibang-iba pala ang intense ng competition kapag nasa studio ka, kesa nasa TV. Mas mapi-feel mo talaga ‘yung effort at ‘yung energy ng mga contestants.
Nag-goodbye din kahapon si Cloie Syquia (anak ni Gabby Concepcion) bilang hurado at mas pinili ng madlang pipol na manatili sa show si Zanjoe Marudo.
Patok din sa amin ang segment nilang “Sine Mo ‘To” kung saan mapapanood ang lahat ng hosts ng show (from Vice to Anne, to Karylle, to kuya Kim Atienza, Teddy Corpuz, Jugs Jugueta, Jhong Hilario, Ryan Bang, Coleen Garcua and Eric Tai) na umaarte base sa sasabihin ng mga storytellers na ginagampanan nina Vhong Navarro at Billy Crawford.
Nagiging active participants din ang studio audience kung saan may chance rin sila na manalo ng cash prizes.
Ang iba pang segments ng show ay ang “Baliwag U” na pinauso ni Anne, ang “Arte Mo!” na may jackpot prize na P500,000, at ang “Singing V” nina Vice at Anne kung saan susubukin ang galing ng mga contestants sa lyrics ng mga sikat na kanta sa iba’t-ibang panahon.
Mapapanood ang It’s Showtime tuwing 11:30 ng umaga sa ABS-CBN. Tumutok din sa Studio 23 sa susunod na linggo (Feb. 13 to 17) para sa simulcast ng programa sa pareho ring oras.
Anyway, maraming girls at bading naman ang nagtutumili nang maghubad si Zanjoe Marudo sa It’s Showtime.
Binigyan kasi ng t-shirt ni Vice ang dyowa ni Bea at game na game naman nitong hinubad ang kanyang damit para maisuot sa kanya ni Vice ang t-shirt. Grabe! As in tulo laway at water-water talaga ang mga babae’t bading kay Zanjoe!