HALATANG-halata na naging napakabait ng mga senador kay Budget Secretary Florencio “Butch” Abad sa naging pagharap nito noong Huwebes sa Senate committee on finance sa pagdinig sa kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP).
Tila nag-abogado pa ang mga senador na pinangunhan ng mismong presidente nito na si Senador Franklin Drilon para kay Abad para maipagtanggol ang DAP.
Hindi maitatanggi na salang-sala ang pagtatanong ng mga kaalyadong mga senador ng administrasyon kung saan karamihan ng mga pagtatanong ay umikot para madepensahan ang paggamit ng DAP.
Hindi man lamang itinanong kung sinu-sino pa sa mga kongresista ang tumanggap ng DAP, bagamat naunang inamin ni Abad na tanging si dating senador Panfilo Lacson ang hindi nanghingi ng pondo mula sa DAP.
Nabigo ring talakayin sa pagdinig ang naunang testimonya ng whistle blower na si Benhur Luy na tinatayang P425 milyon ng DAP ay napunta sa umano’y mga pekeng non-governmental organizations (NGOs) ng tinaguriang reyna ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.
Hindi tuloy maiiwasang isipin ng mga ordinaryong mamamayan na sinadya talagang gawin ng Senado ang pagdinig sa DAP bago ang nakatakdang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III bukas para tumulong ang mga senador sa pagdedepensa ng DAP dahil nakinabang halos sila sa pondo mula rito.
Sa nakatakdang SONA nga ni Aquino bukas, lahat ay nag-aabang kung ano ang kanyang sasabihin.
Ngayon pa lamang ay marami na ang nagsasabing asahan na ang pagtalakay sa mga kinasuhan ng plunder ng gobyerno kaugnay ng pork barrel scam, ang patuloy na pagtatanggol ni Aquino sa DAP at ang pagbanat muli sa Korte Suprema matapos ideklara ito bilang unconstitutional.
Ngunit para sa ordinaryong mamamayan, ang pangunahing batayan kung maganda ang naging pamumuno ni Aquino sa nakaraang taon ay kung bumaba ang presyo ng mga bilihin, partikular ang bigas na taliwas sa nangyayari.
Bukod sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, na sinundan ng nakaraang pagtaas ng pamasahe, nakaamba naman ang sinasabing krisis sa suplay ng kuryente.
Sa ikalimang SONA ni PNoy bukas, may aabangan nga kaya tayong mga magandang balita?
Abangan natin?