NAPIGILAN ng kabayong Love Na Love ang inasahang panalo ni Marinx nang dominahin ng una ang ikatlo at huling yugto sa 2014 Philracom Hopeful Stakes race kahapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Maagang naipuwesto sa pangatlo ng hineteng ni Fernando Raquel Jr. ang kabayong may lahing Quaker Ridge at Foolish Monarch sa likod ng nangungunang Marinx na hawak ni Jessie Guce.
Nagbunga ang diskarteng ito dahil naubos si Marinx habang may sapat na lakas pa ang second choice na si Love Na Love para manalo ng kalahating dipa sa karerang pinaglabanan sa mahabang 2,000 metro.
Sumali rin si Love Na Love sa unang dalawang yugto ng serye at ito tumapos sa pangalawa at pang-apat na puwesto lamang.
Nagwagi sa unang dalawang yugto sina Malaya at King Bull.
Si Love Na Love, na lahok ni Hermie Esguerra, ay naorasan ng 2:11.2 sa kuwartos na 25, 24, 26, 26 at 28.Ang panalong ito ni Love Na Love ay nagbigay ng P600,000 kay Esguerra at mga koneksyon nito.
Nagwagi rin ng P50,000 ang breeder ni Love Na Love. Pumangalawa si Marinx at pumangatlo si Misty Blue ni KB Abobo habang ang Good Connection na ginabayan ni Mark Alvarez ang pumang-apat.
Ang datingan ng iba pang kabayo ay Pax Britannica, That is Mine, Wo Wo Duck, Great Care at Real Lady. Samantala, pagtutuunan ng pansin ngayon ang takbong ipakikita ng Kid Molave sa ikatlo at huling yugto ng 2014 Philracom Triple Crown Stakes Race.
Kailangan na lamang ng kabayong gagabayan ni John Alvin Guce na manalo sa karerang inilagay din sa 2,000 metro para tanghaling Triple Crown champion.
Ang mga kabayong pipigil sa pakay na ito ng Kid Molave ay ang Matang Tubig (CV Garganta), Kaiserslautern (AB Alcasid), King Bull (JB Hernandez) at coupled entry Kanlaon (V Dilema), Low Profile (MA Alvarez) at Macho Machine (FM Raquel Jr) at stablemate Mr. Bond (JT Zarate).
Halagang P1.8 milyon mula sa P3 milyong premyo ang nakalaan para sa mananalong kuneksyon.