Aljur sa GMA 7: Nabastos at nainsulto ang dignidad ko!


Wala na raw siyang pamimilian kundi ang manghingi ng tulong sa husgado. Matagal na siyang nananahimik lang at naghihintay ng magandang oportunidad, pero walang planong maganda para sa kanya ang GMA 7, kaya nu’ng Huwebes nang umaga ay nagsadya na sa korte si Aljur Abrenica para hilingin ang paglaya mula sa kanyang kontrata sa network.

Hanggang sa 2017 pa ang kanyang kontrata sa Siyete, tatlong taon pa ang kailangan niyang palipasin, pero ngayon pa lang ay gusto nang magtrabaho sa ibang network ng aktor.

Kasama ang kanyang abogadong si Attorney Ferdie Topacio ay inilahad ni Aljur Abrenica sa kanyang sinumpaang salaysay ang mga dahilan kung bakit gusto na niyang magpa-release sa GMA 7.

Totoong nakakalungkot isipin na sa Siyete siya nagsimula, champion siya ng Starstruck, pero kinailangang mangyari ang ganito. Kahit naman ang aktor ay malungkot sa pangyayari, pero kailangan na niyang magsalita, para may mangyari sa kanyang hinahanap mula sa GMA 7.

Sa kanyang opisyal na pahayag ay sinabi ni Aljur, “Nagpapasalamat po ako sa GMA sa tiwala at oportunidad na ibinigay nila sa akin sa loob ng ilang taon sa industriya. Ito po ay hindi ko malilimutan.

Pero nitong mga nakaraang taon, hindi na po ako masaya sa pangangalaga nila dahil sa wala na akong nakikitang maganda sa direksiyon na pupuntahan ng aking career bilang isang seryosong aktor at musikero.

“Lalong-lalo na po nitong mga nakaraang buwan, pakiramdam ko, nabastos pa ang dignidad ko dahil sa pinaplano nila para sa akin. At nainsulto po ang kakayahan ko bilang isang aktor kaya humihingi po ako ng release sa pangangalaga nila.

“Ako ay hindi nila pinagbigyan kaya’t ikinalulungkot ko na wala na akong ibang magagawa kundi dumulog sa hukuman.”
Nangyayari talaga ang ganito.

Kung minsan ay mabilis lang na nareresolba ang problema, pero may mga pagkakataon ding kailangan na talagang kumabilang-bakod ang artista, nakalulungkot pero kailangang mangyari.

Natural lang na pumalaot ang komentong walang utang na loob si Aljur dahil sa Siyete siya nagsimula, du’n natupad ang kanyang pangarap na maging artista, pero kapag kasi hindi na maligaya ang artista sa kanyang kapaligiran at kapag sa palagay niya’y wala nang nangyayari sa kanyang career ay kailangan na talaga niyang maghanap ng mga bagong kamay na mag-aalaga sa kanya.

( Photo credit to aljur abrenica official fanpage )

Read more...