Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. UST vs Adamson
4 p.m. Ateneo vs NU
Team Standings:
Ateneo (3-0); UE (2-0); NU (2-1); UST (1-1); FEU (1-1); La Salle (1-2); Adamson (0-2); UP (0-3)
IKAAPAT na diretsong pagwawagi na magpapatatag sa pagkakahawak sa solo liderato ang asinta ng Ateneo de Manila University sa pagpapatuloy ngayon ng 77th UAAP men’s basketball tournament sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Makakasagupa ng Blue Eagles ang National University Bulldogs sa tampok na laro na magsisimula alas-4 ng hapon matapos ang bakbakan ng University of Santo Tomas Growling Tigers at Adamson University Falcons dakong alas-2 ng hapon.
Hangad ng mga Bulldogs na makabawi matapos malusutan ng nagdedepensang kampeong De La Salle University Green Archers, 57-55, sa huling laro.
Galing ang tropa ni Ateneo coach Bo Perasol sa 86-75 panalo sa University of the Philippines Fighting Maroons at nagpatuloy ang magandang kumbinasyon ng mga beterano at bagitong players para manatiling walang talo ang koponang hindi nasilayan sa mga preseason games noong bakasyon.
Sina Kiefer Ravena at Arvin Tolentino ang mga nagdadala ng magandang laro para sa Eagles at ang dalawa ay dapat na magpatuloy sa pagpapasikat para maisantabi ang inaasahang pagtahol ng Bulldogs sa pangunguna nina Gelo Alolino at Alfred Oruga.
Ginulat ng UST ang Far Eastern University, 69-67, para maibaon sa limot ang 59-40 pagkatalo sa NU sa unang laro.
Kuminang rin ang laro nina Karim Abdul at Kevin Ferrer sa huling laban para saluhan ang Tamaraws sa ikaapat at ikalimang puwesto sa walong koponang liga.
Inaasahang magpapatuloy ang magandang ipinakikita nina Abdul at Ferrer dahil magpipilit ang Falcons na maikampay ang mga pakpak para wakasan ang dalawang sunod na pagkatalo.