Isang salita lamang

ANG tanyag na pahayag ni Pangulong Manuel Quezon na, “Those who have less in life should have more in law,” ay pa-konsuelo de bobo lamang.

Walang ibig sabihin ang mga kataga.

‘Yan ay aking opin-yon lamang.  Pero bakit ko nga ba nasabi ito?

Si Christian Serrano, isang 13 anyos na self-supporting high school student, ay pinatay ng isang pulis tatlong taon na ang nakararaan.

Si Christian at kanyang kapwa batang basurero ay pumasok sa isang abandonadong gusali sa Makati upang mamulot ng mga scrap para ikalakal.

Nakita sila ni Chief Insp. Angelo Germinal na pumasok sa gusali.

Maaaring ang gusali ay ipinagkatiwala ng may-ari kay Germinal.

Nagalit ang opisyal ng pulis sa pagpasok ng mga bata sa abandonadong gusali.

Sa halip na itaboy lang ang mga bata, kinuha ni Germinal ang kanyang .22 caliber na riple sa likod ng police patrol car, inasinta ang mahabang baril sa mga bata at ipinutok ito.

Ang bala ay tumama sa likod ni Christian, pumasok sa kanyang lapay at lumabas sa kanyang tiyan.

Sa madaling sabi, binaril ni Germinal si Christian na nakatalikod.

Kasong murder ang isinampa laban kay Germinal sa Makati Regional Trial Court.

Ang murder ay isang kaso na hindi nakakapagpiyansa ang akusado habang siya’y nililitis.

Pero nakapagtataka na pinayagan siya ni Judge Cristina Sulit na makapagpiyansa.

Wala raw ganoong ebidensiya laban sa opisyal ng pulisya.

At isa pang nakapagtatakang isipin ay kung bakit na-promote pa itong si Germinal sa superintendent (kapantay ng lieutenant colonel sa militar) samantalang siya’y may kaso.

Ang kasong administratibo laban kay Germinal sa National Police Commission (Napolcom) at ang kasong criminal laban sa kanya sa Makati court ay umuusad na parang pagong.

Nakikipag-areglo si Germinal sa mga magulang ni Christian, si Salvacion na isang street sweeper at si Armando, na isang electrician pero palaging walang trabaho.

Pero ayaw ng mga magulang ng biktima na sila’y ayusin.

“Sana’y first year college na ngayon ang a-king anak kung hindi siya walang awang pinatay ni Germinal.
Kailangang magdusa ng habambuhay sa bilangguan,” ani Salvacion.

Mukhang malabong makamit ng pamilya Serrano ang hustisya para sa kanilang anak.

Ang korte ay parang pumapabor kay Germinal dahil binigyan siya ng pagkakataong makapagpiyansa.

Ang Napolcom naman ay pabandiyeng-bandiyeng sa pagdinig ng kaso laban kay Germinal.

Sa bansang ito, ang mahihirap ay di nabibigyan ng hustisya kapag ang kalaban nila ay mayayaman o makapangyarihan.

Libu-libong kaso na pareho sa kaso ni Christian laban kay Germinal ay nakabinbin sa mga korte sa buong bansa.

Noong administras-yon ni Pangulong Gloria, isang mataas na opisyal ng Malakanyang ang nagsabi na ang problema sa NPA ay mawawala bago magtapos ang termino ni Gloria.

Ang NPA o New People’s Army ay nandito pa at maraming sumasaling miyembro at sympathizers sa hanay ng mga mahihirap
at inaapi.

Nagtatataka pa kayo kung bakit?

Read more...