Sinuwerte si Paul Lee

MINALAS man ang Rain or Shine dahil sa hindi ito nagkampeon sa dalawang beses na nakarating ito sa Finals noong nakaraang season ay upbeat pa rin si Paul Lee.

Pakiramdam niya ay sobra-sobra ang blessing na dumarating sa kanya. Ito’y bunga ng pangyayaring napili siyang maging bahagi ng training pool ng Gilas Pilipinas na kakatawan sa bansa sa FIBA World Cup na gaganapin sa Spain sa susunod na buwan at sa Asian Games na gaganapin naman sa South Korea sa Setyembre.

Katunayan, si Lee ay naging bahagi na ng national team na lumahok sa FIBA Asia Cup na ginanap naman sa Wuhan, China.
Tumersera ang mga Pinoy sa torneong iyon matapos na talunin ang host China.

At ang nagbida para sa Gilas Pilipinas ay si Lee mismo na gumawa ng tatlong free throws sa dulo ng laro. “Swerte lang talaga,” ani Lee na na-foul habang tumitira ng three-point hot. “I treated those free throws like nagpa-practice lang ako at walang tao.

Mahirap kasi kung iisipin ko na kailangang ipasok dahil mape-pressure ako nang husto.” Aniya, iba naman ang sitwasyon sa Wuhan at sa Game One ng PBA Governors’ Cup Finals kung saan tumira rin siya ng three-point shot at nagmintis matapos na habulin at mabangga ni Marc Pingris sabay pagtunog ng buzzer.

“Iba sa international competition, e. Doon, kahit konting dikit lang, tatawagan ka agad ng foul ng referees. Kahit hindi ka nga dumikit, basta maartehan ka ng kalaban, may pito na kaagad,” ani Lee.

“Kaya importante lalo na para sa aming mga bago sa RP team ang makalaro sa international level bago ang tournament sa Spain at South Korea para masanay kami.”

Ani Lee, hindi niya inaasahang tatawagin siya ni coach Chot Reyes para maging bahagi ng Gilas Pilipinas. Ito ang ikatlong pagkakataong naimbita siya.

Una’y noong si Rajko Toroman pa ang may hawak ng Gilas Pilipinas at nasa amateurs pa si Lee. “Problema kasi noon ay 8:30 ng gabi ang ensayo. Nag-aaral ako, naglalaro pa sa PBL.

Umaga classes ko, then practice sa PBL at 2 p.m., 4 naman sa UE practice. Tapos didiretso ako sa Ateneo para mag-ensayo sa Gilas na matatapos 11 ng gabi. I had to decline.”

Ikalawa ay para sa 2013 FIBA Asia Men’s Championship. Nagkataon namang may injury siya sa balikat kung kaya hindi na siya nagpunta sa ensayo.

“Ngayon ay wala nang aberya,” ani Lee na excited maging member ng Philippine Team. May isang slot na bukas sa Gilas Pilipinas matapos mag-beg off si Larry Fonacier bunga ng injury.

Pero sa Spain pa pupunan ni Reyes ang bakante. Makuha man hindi si Lee sa ika-12 spot, masaya na siya. Kasi nabigyan siya ng pagkakataong makapaglingkod sa bansa.

Si Lee at ang buong Gilas Pilipinas delegation ay tumulak tungong Florida kahapon ng umaga para sa serye ng training doon. Tuluy-tuloy na hanggang sa Europe ang training na ito at magbabalik na lang sila sa Pilipinas matapos ang Asian Games.
Matinding sakripisyo talaga ito!

Read more...