KAPAG namatayan ka sa Jose N. Rodriquez Memorial Hospital sa Tala, Caloocan City, at ikaw’y mahirap lamang at hindi sapat ang pinag-aralan, pasusukahin ka ng mahigit P40,000 sa serbisyong nagkakahalaga lamang ng P6,500. Ilang tauhan ng ospital ang awang-awa na sa mahihirap na biktima ng sindikato, kabilang na rito ang imbestigador ng kaso. Pagkamatay ng pasyente ay pinapayuhan na ng ilang taga-ospital ang bantay ng pasyente na maghanap na ng murang punerarya.
Nasa Tala, Malaria, Camarin at Bagong Silang na ngayon ang napakaraming bilang ng punerarya at sangay-opisina nito. Halos sa bawat kanto ay merong punerarya o sangay-opisina ng mga punerarya. Noong panahon ni Enrico Echiverri, kopong-kopo ng isang punerarya ang namamatay sa Tala hospital. Ang ibang punerarya ay kikita lamang kapag ang biktima ay namatay sa bahay at di na nga dinala sa ospital.
Kapag ang namatay ay sakop ng kasong kriminal, hawak ng imbestigador ang lahat na proseso. Meron agad punerarya na kukuha sa bangkay. Sa ospital pa lamang ay umaandar na ang metro ng punerarya na pinili ng imbestigador.
Kapag nakarating na sa punerarya ang bangkay at sinundan ng mga naulila o kamag-anak, ibibigay din naman ang bangkay pero kailangang magbayad ng P6,000 hanggang P8,000. Dahil sila ang nauna sa bangkay, ang death certificate ay P5,000 at ang pagbiyahe mula sa punerarya hanggang sa piniling punerarya ng naulila ay P8,000. Kung walang makukuhang makapangyarihang tagapamagitan ang mga naulila ay maibebenta nila ang kanilang kaluluwa sa demonyo makuha lamang ang bangkay.
Kung nakatambak na ang mga punerarya sa North Caloocan, patuloy na nanganganak (dumarami) ang mga paanakan. Walang silbi ang RH Law sa North Caloocan. Wala ring silbi ang murang mga condom na ibinebenta sa ilang tindahan at generics store. At ang nanganganak ay mga menor de edad. Moralidad? Walang gobyerno, walang relihiyon, walang payo ng paaralan dito.
Muli, napatunayang tambakan ng bulok na pulis ang North Caloocan. Napakaraming insidente ng barilan at patayan. Hindi pinag-uusapan dito ang technic ng follow-up sa pulisya. Nang tanungin ang isang PO1, wala raw budget.
Itinuro pa niya ang sira-sira, yupi-yupi at lumang mga pick-up truck ng pulisya, na binili sa mahabang panahon ng panunungkulan ni Echiverri.
Nagpahinga lang ng isang buwan ang mga holdaper, tumira na naman sila sa Makati. Ang huling biktima, tulad ng mga naunang mga biktima, ay kawani ng Inquirer Group. Nasaan ang augmentation force na ibinigay ng National Capital Region Police Office sa Makati police? Na-pullout ba dahil nag-training sa crowd control sa SONA?
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Hanggang ngayon, ang nababasa namin sa inilalathala hinggil sa Romblon ay “potential” pa rin. 1960 pa ang nababasa ko na ito hanggang sa ako’y senior citizen na: potential tourist spot. Kung walang kwenta ang mga politiko sa Romblon, mas lalong walang kwenta ang mga botante na bumoto sa walang kwentang mga kandidato. Estrer, ng Cajiocan …8786
Dito po sa Jolo ay mataas pa rin ang presyo ng unleaded na gasolina. Mahigit P100/litro. Marumi pa ang gasolina. Sana payagan ng gobyerno na makapasok ang gasolina mula sa Sabah. …1765
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.