ISANG nag-aalalang mister ng OFW ang nakiusap sa Bantay OCW na mapauwi sa lalong madaling panahon ang kanyang asawa.
Ayon kay Ariel Libre ng Dumaguete City, Negros Orriental, nasa Aljouf, Saudi Arabia ang misis na si Jenny Lynn na isang babysitter doon.
Peke raw ang mga dokumentong isinumite ng kanyang recruiter.
Kwento ni Ariel, sinasaktan daw ang kanyang misis ng employer nito, bukod sa hindi pa pinasusuweldo, at walang sapat na pagkain. Tatlong buwan na itong nagtitiis.
Sa tulong ng tanggapan ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz, na-rescue si Jenny Lynn sa pamamagitan ng police intervention.
At nang ma-rescue ay inayos agad ang pagbalik nito sa bansa at nakauwi ito sa Pilipinas noong Hunyo.
Inireklamo naman ni Mark Joel Genoso, OFW sa Riyadh, K.S.A. ang hindi pagsunod ng employer sa kanilang kontrata.
Ibinabawas ‘anya sa kanilang buwanang sahod ang malaking halaga bilang kabayaran ng Iqama at visa na dapat ay sagot ng kanilang kumpanya.
Limang buwan na anya silang hindi pinasasahod bukod sa overworked din sila.
Inireklamo na rin anya nila ang kanilang sitwasyon sa kanilang ahensiya dito sa bansa, ang Company Human Resources, ngunit puro pangako lang ang kanilang natatanggap.
Dahil dito, agad naming inilapit ang sitwasyon ni Mark sa kinauukulan, at mabilis na kumilos si Labor Attache’ Resty dela Fuente ng POLO-Riyadh.
Dahil dito, nakipag-ayos ang kumpanyang Ayed Baijan Al-Osaime Est. at kaagad binayaran ang ating mga OFW ng mga hindi pa natatanggap na mga suweldo.
Nangako din ang kumpanya na regular nang matatanggap ng ating mga kababayan ang kanilang buwanang sahod.
Masaya ang grupo ni Mark sa mabilis na resolusyon ng kasong ito. Kasama sina Allan Sto. Domingo, Ronan Sanchez, Cristobal Castelo, Freddie Baco, Sadama Aquino, Eduard Quetuia, Teddy Bergancia, Antonio Bigcas, Pete Ibarra, Ibno Abdullah, Alberto Lopez, Lester Perlas at Roy Israel, ipinaabot nila ang kanilang pasasalamat sa lahat ng mga tumulong.
Samantala, nasa Riyadh, K.S.A din si Jessica Reyes, at papasok bilang tutor. Yun ang pagkakaalam niya.
Ngunit pagdating sa kanyang employer, apat na bata ang bumungad sa kanya, hindi para i-tutor kundi para alagaan, at maging all around household service worker. Room attendant daw ang job description na nakasaad sa kanyang kontrata.
Hindi na nga nasunod ang kaniyang kontrata, hindi rin niya natatanggap ng tama ang kaniyang suweldo at wala pang sapat na pagkain.
Palibhasa’y hindi iyon ang napagkasunduan kung kaya’t nakiusap siyang uuwi na lamang ng Pilipinas. Nagalit ang employer at sinabing ibebenta na lamang siya upang mabawi ang nagastos sa kaniya.
Nagdesisyon si Jessica na tumakas na lamang at sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga ng Bahay Kalinga sa Philippine Embassy sa Saudi habang isinasaayos ang kaniyang mga dokumento sa pag-uwi.