3 PH teams pasok sa KO round ng 2014 FIBA 3×3 World Tour

TATLO sa apat na koponan mula Pilipinas ang umabante sa knockout round matapos maipanalo ang kanilang unang laro sa pagsisimula kahapon ng 2014 FIBA 3×3 World Tour Manila Masters sa Mega Fashion Hall sa SM Megamall.

Nanguna sa kuminang ay ang Manila North matapos kalusin ang Xinzhuang ng Chinese Taipei, 21-11, sa Pool C.

Makulay ang panalo dahil kinailangan ang pagbibida ng nahuli sa laro na si Calvin Abueva para maisantabi ang pagkawala ni Ian Sangalang bunga ng sprained ankle at ang inindang pananakit ng ulo matapos masiko si Vic Manuel.

Sa huling 4:31 sa 10 minuto ng labanan dumating si Abueva dahil una niyang hinarap ang manganganak na asawa.

Sulit naman ang paghihintay dahil siyam sa huling 11 puntos sa laro ang ginawa ni Abueva upang makakawala ang koponan matapos ang 9-all iskor.

Ang koponang kinatawan nina Terrence Romeo, Rey Guevarra, KG Canaleta at Aldrech Ramos para sa Manila West ay nangibabaw din sa Kobe, Japan, 21-9, para umusad din mula Pool B habang ang National U18 champion na sina Joshua Ayo, Raphael Jude De Vera, Karl Kenneth Estrada at Adonis Nismal para sa Manila South ay nagwagi sa Medan, Indonesia, 17-13, para pumasok sa quarterfinals sa Pool A.

Hindi naman pinalad ang Manila East na binubuo ng mga Ateneo reserves nang natalo sa Surabaya, Indonessia, 14-13, sa Pool D.

Kailangan nilang manalo sa Yogyakarta, Indonesia para umabante sa susunod na round.

Ang 12 kalahok ay hinati sa apat na grupo na may tig-tatlong teams at ang mangungunang dalawang koponan ang magpapatuloy ng kampanya para sa dalawang puwesto na tutulak patungong Tokyo, Japan sa Oktubre para sa 2013 FIBA 3×3 World Tour Final.

Ang Jakarta, Indonesia ang siyang nanguna sa Pool A (2-0) matapos talunin ang Manila South, 21-12, habang ang naglalakihang Doha, Qatar at Auckland, New Zealand ay may 2-0 baraha rin sa Pool B at Pool C matapos daigin ang Manila West (21-17) at Manila North (16-11), ayon sa pagkakasunod.

Read more...