NABIGO si Edrin “The Sting” Dapudong na mapanatili ang hawak na International Boxing Organization (IBO) super flyweight title matapos talunin ni South African Lwandile Sityatha sa pamamagitan ng split decision kahapon ng umaga sa International Convention Center sa East London, South Africa.
Dahil sa paniwalang mawawala sa kanya ang hawak na titulo sa pamamagitan ng desisyon kapag umabot ang laban sa kabuuang 12 rounds, agad na bumirada si Dapudong sa unang round at nagawa niyang mabigyan ang challenger ng matinding hook at malakas na body punches.
Si Sityatha, na batid ang lakas ni Dapudong, ay nagawa namang makaiwas na matumba sa laban subalit nagawang bigyan ang kampeon ng jab at suntok sa sikmura.
Sa ika-12 at huling round, umikot na lamang si Sityatha sa ring upang iwasan si Dapudong para masigurong matatapos niya ang round at maitakas ang panalo.
Sa pagtatapos ng laban, ang mga scorecards ng hurado ang tiningnan at natalo nga si Dapudong sa pamamagitan ng split decision, na siyang inaasahan ng kampo ng Pinoy champion.
Ang nakakagulat dito ay ang South African judge na si Andile Matika ay hindi pumabor sa kanyang kababayan matapos umiskor pabor sa Pinoy sa iskor na 115-113.
Ang dalawang neutral judges na sina Waleska Roldan ng Puerto Rico at Eddie Pappoe ng Ghana ay umiskor ng pabor kay Sityatha sa parehong iskor na 116-112.
Ito naman ang resultang kinakatakutan ng kampo ni Dapudong na siya rin nilang inaasahan na mangyari sa laban.