Gilas binigo ng Iran sa 5th FIBA Asia Cup

 

BUMIGAY ang Gilas national team sa hamon ng mas malaking Iranians para tanggapin ang 55-76 pagkatalo sa 5th FIBA Asia Cup semifinals kagabi sa Wuhan Sports Centre sa Wuhan, China.

Nawala ang magandang shooting na naunang nakita kay Paul Lee habang lumiit si Marcus Douthit kay Hamed Hadadi para katampukan ang pagsadsad ng pambansang koponan para mapatalsik sa labanan sa titulo.

Ikatlong puwesto na lamang ang puwedeng maiuwi ng tropa ni coach Chot Reyes kung manalo sa alinman sa China o Chinese Taipei sa pagtatapos ng kompetisyon ngayon.

Si Lee ay nagtala lamang ng apat na puntos sa 2-of-9 shooting, kasama ang 0-of-3 sa  3-point line habang si Douthit ay may anim na puntos lamang sa mas masamang 2-of-13 shooting.

Sa kabilang banda, ang starters ng Iran ay nagtala ng 65 puntos, mas mataas pa ng 10 sa kabuuang ginawa ng Pilipinas upang patatagin ang paghahabol sa matagumpay na title defense sa liga.

Isang beses lamang na lumamang ang Gilas sa laro, 4-2, sa buslo ni Gary David bago ibinagsak ni Oshin Sahakian ang lahat ng kanyang pitong puntos para itulak ang Iran sa 20-13 kalamangan matapos ang unang yugto.

Hindi na nakaagapay pa ang Gilas dahil gumana na ang mga kamay nina Mohammad Jamshidi, Behnam Yakhchalidehkordi, Sajjad Mashayekhi at Hamed na tumapos bitbit ang 19,18, 10 at 11 puntos.

Angat na sa field goal shooting, nagdomina pa ang Iranians sa rebounding, 43-34, at nanaig pa sa assists, 14-7, para makumpleto ang dominasyon sa labanan.

Sina David, LA Tenorio at Ranidel De Ocampo ay tumapos na may tig-11 puntos pero hindi nila napigil ang paglasap ng ikalawang sunod na pagkatalo sa Iran matapos ang 71-85 kabiguan sa finals ng 2013 FIBA Asia Men’s Championship sa Pilipinas.

( Photo credit to inquirer news service )

Read more...