Dapudong handa na sa IBO title defense


WALANG naging problema si International Boxing Organization (IBO) world super flyweight champion Edrin “The Sting” Dapudong sa pag-abot ng timbang para sa title defense niya laban kay Lwandile Sityatha ng South Africa ngayon.

Gagawin ang laban sa East London Convention Center at ito ang unang pagdepensa ni Dapudong sa titulong napanalunan kay Gideon Buthelezi  noong Hunyo 15, 2013.

Ang laban ay ginawa rin sa South Africa at pinatulog ni Dapudong si Buthelezi sa second round para maibangon ang dangal matapos matalo sa pamamagitan ng split decision sa unang pagtutuos noong Nobyembre 10, 2012.

May 29 panalo sa 34 laban, kasama ang 17 knockouts, pumasok sa timbangan si Dapudong sa 114.4 pounds habang si Sityatha ay nasa mas magaang na 114.1 pounds.

Ang weight limit ay nasa 115 pounds. “That is the benefit the boxer gains when he trains hard and prepare for a longer period of time. He will have no problem in making the weight,” wika ni Nonoy Neri,  assistant trainer ni Manny Pacquiao, na siyang kasama ni Dapudong sa laban.

Lamang sa laban ang 27-anyos na Filipino champion dahil may 20 laban pa lamang ang 26-anyos na challenger at may 16 panalo.

Pero hindi pahihintulutan ni Sityatha na magdiwang uli ang kampo ng bisita sa ikalawang pagtapak sa South Africa at makakaasang gagawin niya ang lahat para manalo sa laban.

Read more...