ALAM na alam na ni Piolo Pascual ang gagawin kapag nakakarinig o nakakabasa ng balita sa diyaryo man o sa social media tungkol sa kanyang sexuality.
Hanggang ngayon kasi ay ayaw pa ring tigilan ang Kapamilya leading man ng mga intriga na kumukuwestiyon sa kanyang pagkalalaki.
Ayon kay PJ, meron siyang tatlong simpleng paraan para hindi maapektuhan ng pamba-bash sa kanyang sa social networking sites – ito ang delete, block and move on.
Sa interview ng Tapatan ni Tunying nitong nakaraang Huwebes, sinabi ni Piolo na totoong nakakairita na ang isyu ng kabadingan na ibinabato sa kanya pero marunong na raw siyang makisakay sa kanyang bashers.
“For me, masakit kasi, sana kilala mo ako bago mo ako sabihan ng ganyan,” ani PJ. “Pero ang importante sa akin, kilala ko sarili ko, kilala ako ng Diyos ko, kilala ako ng pamilya ko, kilala ako ng anak ko,” dagdag ng binata.
Hirit pa ni PJ, ito raw ang dahilan kung bakit itinigil na rin niya ang pag-a-update sa kanyang Facebook at Twitter, aniya, wala naman daw magandang idudulot ang pagpatol sa mga on line bashers.
“Papatulan mo pero makikita mo rin na wala palang silbi ang paghahamon mo sa kanya. Waste of time,” anang tatay ni Iñigo Pascual na isa na ring celebrity ngayon.
Pero sabi ni PJ, active pa rin siya sa Instagram dahil sa passion niya sa photography, “I like taking photos kasi talaga.”
Natanong din si Piolo kung paano tinatanggap ng kanyang anak ang mga tsismis na siya’y bading, “Kilala niya ako eh.
Naniniwala siya sa akin. Napipikon siya sa mga tao. Gusto niyang gumanti, lumaban, pero sabi ko it’s not worth it.”
Kahapon naman sa presscon ng bago niyang teleserye sa Primetime Bida ng ABS-CBN, ang Hawak Kamay kung saan makakasama niya ang mga pambatong child stars ng Kapamilya network, natanong uli si Piolo tungkol sa kanyang lovelife at tulad nga ng lagi niyang isinasagot, darating din ang tamang panahon para sa pagkakaroon ng girlfriend and eventually, pagkakaroon ng sariling pamilya.
“Hindi naman ako pihikan. Kasi pwede naman. Kung gusto mo mayroon eh, ang dami naman diyan. Kaso ano ibibigay ko kung tulog ako?” natatawang sey pa ng aktor kasabay ng pagsasabing gusto niyang magkaroon ng apat pang anak.
Noong bata-bata pa raw siya, anim ang gusto niyang anak, “Pero habang tumatanda tayo, kumokonti nang kumokonti, like mamaya baka yung apat na yan maging dalawa na lang.
Pero ideally, sana, apat pa kasi gusto ko ‘yung malaking pamilya. Ang hirap, pag mag-isa ka lang, pag solong anak lang, so mas marami, mas happy. I love kids!”
Totoo ba na bata ang gusto niyang mapangasawa para pwede pang manganak nang marami? “Ha-hahaha! Wag naman yung batang-bata, wag naman early 20s, malapit na yun sa edad na anak ko.
Iñigo’s turning 18 na next year, e. Mga mid to late 20s naman. Ha-hahaha!” Dugtong niya, “Mahirap kasing mag-isa, specially when you see your kids build their own family tapos ikaw, wala pa rin.
Magkaka-girlfriend na yung anak ko tapos ako single pa rin, di ba? It will be nice to be with someone, to have your own kids.”
Speaking of Hawak Kamay, magsisimula na sa darating na Lunes, July 21 na papalit sa timeslot ng Dyesebel na nagtapos na nga kagabi.
Makakasama nga ni Piolo ang apat na magagaling na child stars ng ABS-CBN, sina Zaijian Jaranilla, Xyriel Manabat, Yesha Canile at Andrea Brillantes.
Tinanong si PJ kung ano ang masasabi niya sa apat na bagets, “Nakakapanibago pa rin, kasi nga mga bata. Nakatrabaho ko na sina Zaijian at Xyriel, yung dalawang bata, ngayon pa lang, pero iisa lang ang masasabi ko, ang gagaling nilang lahat, makikita mo na galing sa puso ang ibinibigay nila, natural na natural.
“Working with child superstars, minsan nakaka-intimidate rin, but it brings out the young in me. It’s ironic nga kasi I play their father in the series pero kapag break, I also play with them, and I appreciate work better kasi at their young age, nakikita mo yung dedication nila sa trabaho nila.
Nakaka-humble rin, kasi di ba, tayo minsan nagrereklamo tayo sa sobrang pagod, sa stress, pero these kids, ibang klase. Napaka-professional lahat,” pahayag pa ni Piolo.
Ka-join din sa Hawak Kamay sina Iza Calzado, Nikki Gil, Ryan Bang, Sofia Andres, former PBB housemate Axel Torres at ang nagbabalik-showbiz na si Victor Neri.
Para sa lahat ng fans na gustong makita up close and personal ang mga bida ng Hawak Kamay, go lang kayo sa Fairview Terraces bukas, 4 p.m. para sa kanilang bonggang mall show.
( Photo credit to EAS )