Arellano babangon laban sa Mapua

Mga Laro Ngayon
(The Arena)
2 p.m. Arellano vsMapua
4 p.m. JRU vs Lyceum
Team Standings: San Beda (4-0); Perpetual Help (3-0); San Sebastian (3-1); Arellano (2-1); JRU (2-2); Lyceum (2-2); EAC (1-2); Letran (1-3); St. Benilde (0-3); Mapua (0-4)

MAY tiwala si Arellano Chiefs coach Jerry Codiñera na agad na maisasantabi ng kanyang koponan ang paglasap ng unang pagkatalo sa pagharap sa Mapua Cardinals sa 90th NCAA men’s basketball tournament ngayon sa The Arena sa San  Juan City.

Natapos ang dalawang sunod na panalo ng Chiefs nang lasapin ang 81-90 pagyuko sa four-time defending champion San Beda Red Lions sa huling laro.

Naniniwala ang bagong Arellano coach na si Codiñera na ang natutunan sa huling laro ay kanilang magagamit laban sa Cardinals na hanap ang pigilan ang paglasap ng ikalimang sunod na pagkatalo.

“Our last game taught us to defend the perimeter and take better care of the ball,” wika ni Codiñera na ang tinutukoy ay ang kanilang 23 errors.

Sa ganap na alas-2 ng hapon ang bakbakan at inaasahang bibigyan sila ng magandang laban ng Cardinals na sa huling laro kontra sa Lyceum Pirates ay natalo lamang sa pamamagitan ng dalawang puntos, 80-78.

Dapat na magkaroon ng magandang simula ang Cardinals dahil kinakapos sila sa paghahabol ng malaking kalamangan ng mga nakalaban na.

Ikatlong sunod na panalo ang balak hagipin ng host Jose Rizal University Heavy Bombers laban sa Pirates sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon.

Read more...