7 PBA SUPERSTARS SASABAK SA FIBA 3×3

DALAWA sa apat na koponan ng bansa ay bubuuin ng pitong manlalaro mula sa Philippine Basketball Association sa 2014 FIBA 3×3 World Tour Manila-Masters sa Sabado at Linggo sa Mega Fashion Hall sa SM Megamall.

Sina Terrence Romeo ng Globalport, Rey Guevarra ng Meralco, KG Canaleta ng Talk ‘N Text at Aldrech Ramos ng Air21 ang magsasanib-puwersa para sa Manila West habang sina Ian Sangalang ng San Mig Super Coffee, Calvin Abueva at Vic Manuel ng Alaska ang mangunguna para sa Manila North kasama ang NLEX player na si Jake Pascual.

Handog ng Smart at may ayuda ng Nike at Samsung, ang torneo ay binubuo ng 12 koponan, kabilang ang walong dayuhan at ang mangungunang dalawang koponan ay aabante sa FIBA 3×3 World Tour Final sa Tokyo, Japan sa Oktubre 11 at 12.

Ang magkakampeon ay tatanggap ng $10,000 premyo habang $5,000 naman ang maiuuwi ng papangalawang koponan.
Ang pangatlong koponan mula sa host country ay bubuuin nina Ousseynou Karbala Gueye, Darryle Henderson Jr., John Adrian Wong at Jerie Pingoy ng Ateneo para sa Manila East at ang national U-18 3×3 champion na sina Joshua Irvin Ayo, Adonis Christian Nismal, Karl Kenneth Estrada at Raphael Jude De Vera na kakatawan para sa Manila South.

Kakaharapin ng apat na koponan ng bansa ang mga bisitang koponan na galing sa Jakarta, Doha, Yogyakarta, Surabaya, Kobe, Xinzhuang, Medan at Auckland.

Si John Flores na gumabay sa pambansang koponan na pinamunuan ni Kobe Paras na nagkampeon sa FIBA Asia 3×3 at naglaro sa World 3×3, at Eric Altamirano, ang dating coach ng 2010 Youth Olympic Games, ang mga tumutulong sa paghahanda ng mga manlalaro.

Ang 12 koponan ay hinati sa apat na grupo na may tig-apat na teams. Sasailalim ang mga ito sa one-round group elimination.

Ang dalawang mangungunang koponan sa bawat grupo ay tutulak sa knockout quarterfinals hanggang sa madetermina kung sino ang lalabas na kampeon.

Ang aksyon ay magsisimula sa Sabado sa ganap na ala-1 ng hapon habang ang labanan sa Linggo ay magbubukas sa ganap na alas-2 ng hapon.

“In behalf of SBP president Manny V. Pangilinan, we in SBP invite everyone to watch world-class 3×3 basketball this Saturday and Sunday. Let us again show our foreign visitors warm Filipino hospitality and prove to them that basketball is more fun in the Philippines,” pahayag ni SBP executive director Sonny Barrios.

Read more...