Gilas pasok sa semis ng FIBA Asia Cup

MAGKAKAROON ng pagkakataon ang Gilas national team na maipaghiganti ang pagkatalo sa Iran dalawang taon na ang nakaraan sa pagkikita ng dalawang koponan ngayong gabi sa semifinals ng 5th FIBA Asia Cup sa Wuhan Sports Centre sa Wuhan, China.

Naitakda ang larong ito nang malusutan ng Pilipinas ang India, 70-66, habang dinurog ng Iran ang Jordan, 75-60, sa quarterfinals kahapon.

Gumana ang kamay ni Ranidel de Ocampo matapos hawakan ng India ang 17-14 kalamangan at nakapagpundar ang Pilipinas ng malaking kalamangan sa sumunod na tagpo para maisantabi ang pagbaba ng laro sa huling yugto.

May sampung puntos lamang ang ginawa ng tropa ni coach Chot Reyes sa huling quarter at hindi na nakaiskor sa huling 5:15 ng labanan.

Ang ikatlong tres ni Paul Lee ang huling basket ng Gilas na nagbigay sa koponan ng 70-54 kalamangan.

Napababa ng India, na tinalo ang host China sa Group elimination, sa lima ang kalamangan sa huling 1:31 ng labanan sa transition basket ni V. Bhriguvanshi ngunit nawalan na rin sila ng field goals para maitakas ng bansa ang panalo.

Si Lee ay mayroong 15 puntos para pangunahan uli ang Gilas habang may double-double na 14 puntos at 12 rebounds si Marcus Douthit at si De Ocampo ay may 13 puntos, siyam rito ay ginawa sa first half.

Nangibabaw ang Gilas sa rebounding, 44-30, at may 40-20 puntos sa shaded area pero naramdaman ng koponan ang 22 errors at apat rito ay ginawa sa huling limang minuto ng labanan.

Kailangang magpokus sa laro ang pambansang koponan laban sa Iran na siyang nagdedepensang kampeon at ipinakita ang kahandaan na mapanatiling hawak ang titulo nang durugin ang Jordan.

Read more...