MABUTI na lamang ay masugid na tagapakinig ng Bantay OCW ang OFW na si Anna Liza. At alam niya ang lahat ng impormasyon kung saan siya mabilis na makapagsusumbong.
Inaabuso ng kanyang amo itong si Anna Liza, OFW mula sa Riyadh, KSA.
Sinasaktan daw siya ng among babae, kahit walang dahilan. Apat na buwan na lamang ang dapat pa niyang ipagtrabaho sa naturang employer, kaya’t inisip niyang tiiisin na lang ang pahirap, tutal matatapos na ang kanyang kontrata.
Pero nang mag-away daw sila ng kanyang madam nitong Hulyo 6, ay hindi na siya pinapapasok sa loob ng bahay. Hindi na rin siya pinagtatrabaho at hinayaan na lamang siyang manatili sa garahe. Hindi rin naman siya makalabas ng gate dahil nakakandado.
Hindi na siya pinakakain. Kapag dumarating lamang ‘anya ang katulong ng kapatid nitong babae, saka lamang siya pabibigyan ng pagkain. Nakikiusap siya na pauwiin na lamang siya o kaya ay ihatid sa Philippine embassy pero ang among lalaki naman ang ayaw pumayag.
Nagtungo na rin sa Bantay OCW ang asawa at mga anak ni Anna Liza at kaagad naman naming naipadala na sa tanggapan ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz sa pamamagitan ni Labor Attache David Des Dicang ang reklamong ito.
Hinihintay na lang natin ang aksyon ng ating kinauukulan.
Humihingi ng tulong si Caroline hinggil sa amang OFW na nakakulong sa Riyadh, Saudi Arabia mula pa noong June 8, 2014.
Nakatawag pa ‘anya ang ama mula sa kulungan ngunit kinabukusan ay hindi na nila ito makontak. Out of coverage na.
Sinubukan nilang makibalita sa kasamahan ng ama sa trabaho, at ayon sa impormasyong nakalap nila, pinapuntahan ‘anya ng tauhan ng kanilang kompanya ang kaniyang tatay, ngunit imbes na tulungan ay kinuha nito ang cellphone ng kanyang ama at pati mga dokumento.
Pakiusap ni Caroline na matulungan ang ama sa lalong madaling panahon. Hindi rin nila alam ang dahilan ng pagkakakulong ng ama.
Babantayan natin ang kasong ito na nailapit na rin natin sa ating mga opisyal.
Humihingi ng tulong si Noel Nicolas hingil sa kamag-anak na inaabuso sa Saudi. Bagamat hindi siya nagbigay ng anumang detalye, nais niyang personal na maipa-abot sa Bantay OCW ang hirap na dinaranas doon ng kaanak niyang OFW.
Minabuti naming makipag-ugnayan kay Noel at hiningi nito ang address ng Radyo Inquirer kung saan niya kami makikita at hinihintay na lamang namin siya sa oras ng aming programa.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM , Lunes – Biyernes, 10:30 am 12:00 noon, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0927.649.9870. Maaaring mag-email sa bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com