‘Nakakaawa ang mga empleyado ni Willie na umasang magkakatrabo uli!’


Kahit saan kami magpunta ngayon ay hinayang na hinayang ang mga nakakausap namin tungkol sa pagkakaudlot ng pagbabalik-telebisyon na sana ni Willie Revillame.

Asang-asa na ang kanyang mga tagasuporta na makakasama na uli nila ang kanilang Kuya Wil, plantsado na raw ang lahat, pero biglang nagbago ang ihip ng hangin.

Mas matindi ang lungkot ng kanyang staff, nagsimula na silang magmiting para sa programa ng kanilang mahal na TV host, pero biglang nabulilyaso ang planong pagbabalik sa harap ng mga camera ni Willie.

Dahil hindi na nga tuloy ang kanyang daily noontime show ay hindi na rin tinanggap ni Willie ang iniaalok na hosting sa kanya ng network, ang pagtimon sa Talentadong Pinoy, dahil iniwan na nga ni Ryan Agoncillo ang talent show.

Gusto na lang isipin ni Willie na hindi pa hinog ang panahon para sa kanyang pagbabalik. Baka raw may susunod pang nakalaan para sa kanya na kundi man mangyari sa TV5 ay maaaring sa ibang istasyon.

May mga kaibigan nga kaming nagbalita na masayang-masaya raw ang kanilang mga magulang dahil babalik na si Willie. Idolo kasi ng mga bata at lalo na ng mga senior citizens ang aktor-TV host.

Sa ngayon ay inaasikaso na lang muna ni Willie ang kanyang mga negosyo, palagi siyang nasa Tagaytay, personal niyang tinututukan ang ipinatatayo niyang hotel du’n.

Sabi ng isang malapit kay Willie, “Nakakaawa lang ang staff niya na nag-start nang mag-meeting para sa mga new segments ng show. They were told na kasi na magbuo na uli ng mga bagong games para sa programa.

“Sila naman ang palaging iniintindi ni Wil, kung siya lang, wala na siyang pinoproblema, stable na siya,” komento ng aming source.

( Photo credit to entertainment inquirer.net )

Read more...