Ayaw pauwiin ng employer

TILA pare-pareho ang problemang idinudulog sa Bantay OCW nitong mga nakaraang araw. Ito ay ang problema sa kanilang employer sa Kuwait ayaw magpauwi.

Kahit tapos na ang kontrata ay maraming employer ang hindi agad pinauuwi ang mga kababayan nating OFW.
Isa si Angelita Beringuel na nagreklamo sa atin sa pamamagitan ng Facebook.

Aniya, isa at kalahating taon na siyang nagtatrabaho sa kanyang employer nang mag-expire ang kanyang pasaporte noong Marso 12, 2013.

Nagpa-renew siya ng kanyang passport sa Philippine Embassy sa Kuwait. Ngunit kinakailangang mailipat sa bagong pasaporte ang kanyang visa. Pero hindi ito pinagtuunan ng pansin ng kanyang amo kung kaya’t mula nang maipa-renew ang naturang pasaporte, nagpataw na ng penalty ang Kuwaiti government ng dalawang dinar kada araw na dapat niyang bayaran dahil expired na ang kanyang visa. Nais na rin niyang umuwi ngunit ayaw siyang payagan ng amo.

Agad namang pinagtuunang pansin ni Labor Attache David Des Dicang mula sa tanggapan ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz ang reklamong ito.

Nakipag-ugnayan ang embahada sa Korte ng Kuwait para mabigyan ng exemption si Beringuel sa penalty ng kanyang expired passport at iqama.

Hinihintay na lamang ang desisyon, at anumang oras na lumabas ito, agad nang mapapauwi sa bansa si Beringuel.

Isang tawag naman mula sa Saudi Arabia ang natanggap natin. Hiling naman niya ay mapauwi sa bansa ang misis niyang si Margie na sa Kuwait naman nagtatrabaho.

Ibinenta raw ito ng kanyang ahensiya at kinuha pa ang kanyang mobile phone. Samantalang hawak naman ng kanyang employer ang kanyang pasaporte at iba pang mga dokumento.

Sa kasalukuyan ay ikinukulong umano si Margie ng kanyang agency at expired na ang kontrata nito noon pang May 12, 2014.

Ngunit ayaw rin siyang pauwiin ng kaniyang employer.

Agad namang ipinaalam ni Dicang ang kaso. Napag-alaman nilang nagtatrabaho si Margie sa Sourah at ayos naman ang kalagayan ng ating OFW.

Sinabi pa nitong may komunikasyon siya sa kanyang kapatid at nakapagpadala pa nga siya ng kanyang remittance nitong buwan ng May at June.

Nais ring linawin ni Margie na hindi nito asawa ang OFW na tumatawag sa Bantay OCW kundi boyfriend lamang. Okay na ang lahat, giit niya.

Pitong buwan namang walang sweldo si Luis Asejo. Palibhasa’y wala itong maipadala sa kanyang pamilya kung kaya’t nais na lamang niyang umuwi. Ngunit ayaw rin siyang payagan ng kanyang employer na umuwi pero wala man lang itong paliwanag kung bakit hindi siya pinapasuweldo.

Ayon kay Dicang, nakikipag-ugnayan na ang ating embahada kay Asejo upang obligahin ang employer nito na ibigay ang naturang sweldo at pauwiin ang ating OFW. Pananagutin rin ang ahensiyang nagpaalis sa kaniya na padalhan ito ng plane ticket at maaari siyang mag-file na lamang ng money claim sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas.

Si Susan Andes ay mapapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM Lunes – Biyernes, 10:30 am 12:00 noon. Helpline: 0927.649.9870. Pwede rin mag-email sa bantayocwfoundation@yahoo.com o susankbantayocw@yahoo.com

Read more...