PNoy makababawi pa ba?

MALAKI ang ibinaba ng rating ni Pangulong Aquino sa survey ng Social Weather Station at Pulse Asia nitong Hunyo.
At kung magpapatuloy ang ganito kalaking pagbaba baka mag-negative na ang kanyang rating bago pa siya umalis ng Malacanang.

Alam ng lahat na walang plano si Aquino na tumakbo sa pagkapangulo noong 2010. Namatay si dating Pangulong Cory Aquino at lumutang ang kanyang pangalan, at naniwala ang marami sa pagbabago sa gobyerno na kanyang magagawa.

Napakasama kasi ng imahe ng gobyernong iniwan ni dating Pangulong Gloria Arroyo—tadtad ng anomalya. Andyan ang fertilizer fund scam, national broadband network deal.

Sa personal na pagkakakilala ko sa pangulo (naging kongresista muna siya kung saan ko siya unang nakilala), maayos siyang tao. Mukhang may basehan ang naririnig natin na hindi siya corrupt.

Pero hindi nangangahulugan na ganito rin ang kanyang mga taong inilagay sa puwesto.

Hindi lahat ng nakapaligid sa kanya ay malinis.

May mga gumagawa ng kolokohan kaya nadudungisan ang pangulo. Sabi nga ng matatanda, kung nahawakan ka ng taong may putik, may putik ka na rin.

Marami kasi diyan, iniasa na lang sa popularidad ng pangulo ang lahat. Di bale nang hindi napag-isipan o mali ang kanilang ginawa, popular naman ang Pangulo at hindi siya mai-impeach.

Sa kasaysayan ng pulitika sa bansa, normal lang na bumababa ang rating ng pangulo kapag papatapos na ang kanyang termino.

Nakita na ito sa mga nakaraang administrasyon.

Ang namayapang si Cory ay 7 porsyento ang satisfaction rating nang bumaba noong 1992. Nang umupo siya ay 53 porsyento at ang pinakamataas niyang nakuha ay 72.

Si ex-President Fidel Ramos ay nagsimula sa 66 porsyento at nagtapos sa 19. Si dating Pangulong Joseph Estrada ay nagsimula ng 60 porsyento at nagtapos sa 9.

Ang dating Pangulong Gloria Arroyo na nakadalawang termino bilang kongresista ng Pampanga ay nagsimula ng 24 porsyento ay nagtapos ng -17.

Talagang masama ang pagtingin sa kanyang gobyerno, kaya siya ang nag-iisang bumaba sa Malacanang na negative ang rating.
Si Aquino naman ay nagsimula ng 60 porsyento at ang pinakamataas niya ay 67 porsyento noong Agosto 2012.

Nitong Hunyo 25 porsyento na lang siya mula sa dating 45 noong Marso.

May dalawang taon pa siya sa puwesto, kung gusto niya itong tumaas uli nasa sa kanya na iyon.

Bago ang 2013 senatorial elections ang rating ni Aquino ay 59 porsyento, kaya hirap ang oposisyon na ipanalo ang kanilang mga manok.

Sa 2016 polls, pag tuluyang bumaba ang popularidad ni Aquino, baka hindi na maging importante pa ang kanyang basbas sa mga magsisitakbo.

Pag nagkaganoon, lalamang ang oposisyon.

Pero kung mapaaangat pa ni Aquino muli ang kanyang rating, hahabulin pa rin siya ng mga kakandidato lalo at malaking bentahe kung kakampi mo ang nakaupo sa puwesto.

Sabi nga ng marami, maaga pa para malaman kung sino ang magiging susunod na pangulo ng bansa.

Read more...