NABUBUHAY nang masagana ang parasite, bulate man o mikrobyo, ngunit ang host na sinisipsipan ng nutrisyon ang siyang kawawa.
Sa ating bansa, ang pinakamadalas na mga nakikitang parasitic infections ay nakukuha sa tubig (waterborne) at pagkain (foodborne). Mayroon tinatawag na “Soil Transmitted Helminthiasis”, mga bulate na sanhi ng “poor hygiene”.
Ang mga bulateng madalas na nakikita ay ang roundworms o ascaris, hookworms, pinworms, tapeworms at whipworms.
Ang mga sintomas ng “intestinal parasitism” ay maaring bahagya lang na gaya ng pagsakit ng tiyan, pagsusuka, pagtatae, mahangin ang tiyan, pagkati ng puwit, at ang makita mismo na lumalabas ang bulate, ngunit mayroon ding posibilidad na lumala na gaya ng pagbabara ng bituka, pagkasira ng atay at iba pang organs ng katawan. Minsan nakakamatay din.
Ang pinakamahalagang pag-usapan ay ang nutrisyon hindi ng bulate kundi nutrisyon ng tao na may bulate. Kadalasan namamayat, lumalalim ang mata at nagingitim ang paligid dahil sa hindi makatulog ng lubusan, maputla, kulang ng enerhiya.
Kinakain ng bulate ang anumang kinakain ng tao. Malusog ang bulate kapag maraming kinakain ang “host”. Nguni’t magugulat ka dahil pumapapayat ang tao kahit na lumalaki ang tiyan.
Mahigit sa dalawang bilyong katao sa buong mundo ang apektado ng iba’t-ibang bulate sa katawan at ang malungkot dito ay marami ang mga bata. Ito ang sanhi ng “undernutrition” na siya ring pangunahing sanhi ng “poor mental development”.
Ano na lang ang mangyayari kung ang mga bata ay lumaki na mahina ang ulo?
Madali naman gamutin ang “parasitism” kung kaya’t mahalaga lang na batid natin na maaring mangyari ito sa lahat ng oras, walang pinipili, bata man o matanda, lalaki o babae, mayaman o mahirap at kahit malusog ka pa ay hindi ka sasantuhin.
Magpatingin agad sa doktor para magawa ang mga “tests” upang maagapan ang problema at hindi humantong sa “malnutrition”.
Inaanyayahan ko kayo na makinig sa “Radyo Mediko” sa Radyo Inquirer 990am DZIQ tuwing alas 8-9 ng gabi, Lunes hanggang Byernes. Abangan at subaybayan din ang Barangay Kalusugan araw-araw maliban sa Miyerkules at Biyernes.