PINAKINABANGAN daw ng bayan ang Disbursement Acceleration Program (DAP), ayon sa Malakanyang.
Ang DAP ay labag sa Saligang Batas, ayon sa Supreme Court.
Dapat ipakita ng Palasyo kung paano nakinabang ang bayan sa DAP.
Di dapat pinakialaman ni Pangulong Noynoy ang DAP, na nanggaling sa mga pondo na naipon ng iba’t ibang sangay ng executive department, dahil wala siyang karapatan dito.
Tanging ang Lehislatura o Kongreso ang may karapatan sa pag-disburse ng pondo na hindi nagamit.
Ang Kongreso lang ang may karapatan na magdesisyon kung saan gagastusin ang mga naipong pondo dahil ang ahensiyang ito ang gumagawa ng budget.
Inagaw ni Noynoy ang kapangyarihan ng Kongreso.
Dapat ay umangal ang Kongreso sa ginawa ng pangulo.
Pero hindi aangal ang Kongreso dahil marami sa mga miyembro nito ay mga bataan ng Pangulong Noynoy.
Kaya’t malabong ma-impeach si Noynoy dahil marami siyang kakampi sa Kongreso.
Maghihintay pa hanggang bumaba sa puwesto si P-Noynoy sa 2016 bago siya sampahan ng iba’t ibang kaso sa pag-abuso niya sa kanyang kapangyarihan.
Hindi tinanggap ni P-Noynoy ang offer ni Budget Secretary Butch Abad na magbitiw.
Ito lang siguro ang pangulo na nagpoprotekta ng kanyang mga Gabinete sa halip na siya ang proteksyunan ng mga ito.
Kung may delicadeza si Abad, ang kanyang resignation ay dapat irrevocable o hindi de lastiko.
Kung siya’y nag-resign, maaalis sa pangulo ang pagbibigay sisi ng publiko at matutuon kay Abad.
At dahil siya’y nandiyan pa sa puwesto, patuloy ang pag-aani ng pangulo ng batikos.
Alam ng pangulo na unconstitutional ang DAP, pero sinasandalan niya si Chief Justice Maria Lourdes Sereno na kanyang inappoint sa Supreme Court na ipagtatanggol siya kapag umabot ang kaso sa Korte Suprema.
Akala siguro ni P-Noynoy na sasaluhin siya ni Sereno dahil may utang na loob ito sa kanya.
Pero siya’y nagkamali dahil isa si Sereno na bumoto na ang DAP ay unconstitutional.
In fact, unanimous ang decision ng Supreme Court sa DAP.
Ngayon, makakatulog na tayo ng mahimbing dahil ang Supreme Court ay independent at hindi madidiktahan ni P-Noynoy.
Ang Supreme Court ang last bastion of democracy sa ating bansa.
Ay, salamat!
Naglaslas ng pulso si Deniece Cornejo, sabi ng kanyang abogado.
Ang mga kasong rape na isinampa ni Cornejo kay comedian at TV host Vhong Navarro ay nadismis lahat.
Maraming nagsasabi na kakilala si Deniece na binuyo lang siya ng negosyanteng si Cedric Lee na sampahan ng rape si Vhong upang maging leverage nila ang kaso sa reklamo ng aktor ng serious illegal detention at serious physical injuries laban kina Cedric.
Ang kasong serious illegal detention ay non-bailable o walang piyansa.
Kasama si Deniece sa kasong serious illegal detention kaya’t siya nakakulong sa Camp Crame.
Gaya nina Cedric at kanyang mga barkada, si Deniece ay hindi puwedeng makapag-piyansa.
Kung hindi sana sinunod ni Deniece si Cedric baka siya’y hindi nakakulong ngayon.
Kapag siya’y na-convict, which is mostly likely given the evidence against her and Cedric, habambuhay si Deniece na nasa bilangguan.