Walang tinatakpan na hindi nabubunyag at walang natatago na hindi nahahayag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim,, ihayag n’yo sa liwanag. Ang narinig n’yo nang pabulong, ihayag mula sa bubong. —Ebanghelyo ni Mateo sa Sabado ng ika-14 na linggo ng taon, 10:24-33.
WALANG lihim. Lahat ay nabubunyag. Maging ang itinuturong utak sa pagpatay kay Sen. Benigno Aquino Jr., ay natunton na. Sa susunod na buwan ay gugunitain na naman ang kanyang pamamaslang sa Manila International Airport noong 1983. Inumpisahan ni Corazon Aquino ang pagtunton sa utak, pero naudlot at nagkasya na lamang sa kababanat sa pamilya Marcos. Hindi na rin ito itunuloy ng uniko iho, ang Ikalawang Aquino (sana’y huli na siya at wala nang susunod pang Aquino, susme) dahil kapag ibubunyag ang tunay na utak ay malaki ang gagawing pagbabago sa kasaysayan, bunsod para tawaging Wow, Mali ang EDSA 1.
Hindi na lihim at nabunyag na, at ibinunyag mismo ng Korte Suprema, na hinarbat nina Aquino at Florencio Abad ang pera ng arawang obrero, ng taumbayan. Sa ginanap na oral arguments sa mataas na hukuman, inilaglag ni Abad si Aquino sa pagsabing ang pangulo ang nag-utos sa kanya na harbatin ang pondo at ilipat sa kanyang sisidlan, ang DAP (Disbursement Acceleration Program, na nirambol ng nagngangalit na taumbayan at tinawag na Dyablo Areng PNoy, sa Taysan, Batangas; Drilon Abad PNoy, Dekwat Agad Pondo, atbp.) Nagbitiw daw si Abad politician. Pero, hindi ito tinanggap ng Ikalawang Aquino. Teka. Nahilo yata ang pitong lasing sa Batangas. Mas lalong lumabo sa sabaw ng pusit ang kuwento ng Malacanang. Inilaglag na nga si Aquino sa Korte Suprema, kinampihan pa niya ang naglaglag sa kanya? Mali nga, ayon sa pananaw ng karaniwang magnanakaw sa kalye Chino Roces sa napakayamang lungsod ng Makati, na darating ang araw ay lahat na yata ng kawani ng Inquirer Group ay pagnanakawan. Pero, sa malikot na isip ng taga-Malacanang, hindi nga maaaring ilaglag si Abad politician (hane’y abogado ka pa naman ga). Baka mas marami ang malalaglag kapag inilaglag si Abad politician. Maaaring malaglag din ang maraming kaalyado na namantikaan ng PDAF (Priority Development Assistance Fund) at mas maraming kaalyado pa, maging si Aquino mismo, ay malalaglag dahil sa ilegal na DAP.
Kumakanta si Sen. Nancy Binay: “let him go, let him go,” mula sa awit ni Elsa sa Disney film “Frozen,” turan at kantiyaw kay Aquinong “Tuwid na Daan” na pabayaan nang lumayas si Abad politician. “The decision was not only unfortunate but also a bad one. As said by Elsa, let him go, let him go,” ani Binay. Wala sa katuwiran, ani Sen. Joseph Victor Estrada, na binigyan din ng DAP nang bumoto sa impeachment ni Renato Corona pero niliwanag na hindi niya alam na DAP pala ang maraming pera, ang pagtanggi sa pagbibitiw ni Abad. “Whatever happened to Daang Matuwid? Is a violation of the highest law of the land acceptable now as long as it was supposedly done in good faith?” tanong ni JV. Pero, DAPat, sinagot ni JV iyan.
Nang ihayag ni Aquino sa pinakamahabang pulong ng Gabinete ang kanyang pagtanggi sa pagbibitiw ni Abad politician, nagpalakpakan ang marami, lalo na ang paksyong Balay. Hindi pumalakpak si Vice President Jejomar Binay (klap-klap-klap, tama kay Jojo). Ang partido ni Binay, ang UNA (United Nationalist Alliance) ay nagsabing hindi DAPat inabsuwelto si Abad secretary nang walang isinasagawang imbestigasyon, maging lihim man ito, pero mabubunyag din iyan, ayon sa Ebanghelyo ni Mateo. “Does being with the administration guarantee total absolution from any misdeed?” tanong ni Navotas Rep. Tobias Tiangco. Pero, DAPat, sinagot din ni Tiangco ang tanong niya. Di man sinagot ni Tiangco ang kanyang tanong ay malikot na ang isip niya: “What card does Abad have in his sleeves that the president is so scared of him? Is PNoy worried that Abad will take him down with him and tell all he knows?”
Teka, masustansiya at may bitamina ang malikot na isip ni Tiangco. Sa batikang mga magnanakaw sa kalye Chino Roces, walang laglagan. Magkaroon man ng hindi patas na partehan, walang laglagan. Mahuli man ang isa ay wala pa ring laglagan. Kumanta man ang isa para makaganti sa personal na galit, na hindi nagmula sa pagnanakaw, ay wala pa ring laglagan. Ganyan ang mga holdaper at snatcher, at salisi, sa Chino Roces (‘wag na kayang tawaging Chino Roces at ibalik na lang sa dating Pasong Tamo; kawawa naman si Tatay).
Pareho na, at maaaring iisa na (sa isipan) ang mga magnanakaw sa Malacanang at Pasong Tamo, hinala ng arawang obrero na si Mang Domeng. Di pa man lumalatag ang madilim na ulap ng paghihinala’t akusasyon ay inabsuwelto na ng estudyanteng si Edwin Lacierda si Abad secretary sa anumang kamalian, gahibla man o isang uban, sa DAP. Teka. Nagkamali yata ng bansag si Joker Arroyo kay Lacierda na estudyante. Inabsuwelto ni Lacierda si Abad secretary gayung wala pang isinasagawang imbestigasyon, at wala ngang gagawin o ipatatawag na imbestigasyon. Hindi rin iimbestigahan, kahit ni COA Tan, ang ipinalabas ni Abad na P500 milyon sa kanyang maliit na lalawigan, na kokonti ang tao at kasyang ilagay sa mataas na condo unit na malapit sa Bandera.
Kapag magnanakaw ay magnanakaw. Iisa na ang magnanakaw sa Malacanang at Pasong Tamo.