Ang motibo ng DAP

MAMAYANG alas-6 ng gabi, ipapaliwanag na ni PNoy on nationwide Radio-TV broadcast tungkol sa ‘unconstitutional’ na Disbursement Acceleration Program (DAP).
Hindi niya pinayagang magbitiw si Budget Sec. Butch Abad dahil parang inamin na raw nilang mali ang tama sakaling tanggapin niya ang resignation nito. In “good faith” ang ibinabanderang depensa ng Malakanyang. Susunod na kaya ang “honest mistake” o “I am sorry, tao lang” sa talumpati mamaya ni PNoy?

Pero, totoo kayang “good faith” ito? Sabi ni SC associate justice Arturo Brion, kasinungalingan iyan dahil, abugado si Abad, 12 taong nag-congressman at naging chairman pa ng House Appropriation Committee. Imposible nga namang hindi niya alam ang batas sa ‘budget savings” at ilegal ang “juggling of funds” lalo na’t hindi dumaan sa kongreso.
Maliwanag sa Konstitusyon na bawal ang anumang uri ng “budget dictatorship”. Bakit itinuloy pa rin nina PNoy at Abad ang DAP? Sagot ng isang negosyante sa akin, ang tunay na motibo raw diyan ay ang tinatawag nilang SIP, na ang ibig sabihin ay STAY IN POWER para siguruhin ang panalo ng Liberal Party sa 2016 presidential elections.

Dahil sa P 177-B DAP, nagkaroon ng pagkakataon ang Malakanyang na magpamudmod ng P12B  “legislator-identified projects” sa mga senador at kongresista noong bago at matapos ang Corona impeachement trial. Nadagdagan din ang pondo ng CCT (Pantawid pamilya) ng higit P8-B , kung saan ang mga beneficiaries ay mga botanteng limang milyong pamilya. Bukod diyan, namumudmod din ng pera ang DILG sa mga kakampi nilang gobernador sa Liberal Party, P2-B sa Bohol, P1-B sa Negros Oriental, P1-B sa Leyte , Albay, Iloilo, Capiz lalo lalo na sa ARMM(P8.5B) sa ilalim ng DAP allocations.

Ang DILG ni Sec. Mar Roxas ay nakakuha ng P6.5 B LGU Support Fund,
P6.5B Various other Local Projects at P250-M (Performance challenge fund) o kabuuang P13.2B mula sa DAP. Ito’y dagdag lamang sa discretionary funds ng PNoy sa tinatawag na Presidential pork barrel na kinabibilangan ng Special Purpose Fund (P242-B), Unprogrammed Fund (P139.9B), at President’s Social Fund.

Napakalaking “discretionary funds” ang nasa kamay ngayon ng Aquino administration, salamat kay Abad sa tulong na rin ng “rubber stamp” at “mukhang perang” mga senador at congressmen na hindi man lang kukuwestyon sa mga budget taun-taon. Hindi na tayo magtataka kung bawat gobernador, mayor at mga kilalang pulitiko sa lahat ng lugar ay maulingan ng “election war chest” ng Liberal Party. Kapag kumontra ka naman, masususpindi ka tulad ng
nangyari sa Laguna, Cebu at ngayo’y may problema sa Camarines Sur lalot si Roxas ang nasa DILG. Kundi naman masuspindi, hindi ka bibigyan ng alin mang pondo o tulong at kung mamalasin pati IRA allocation mo ay made-delay.

May 700 araw pa bago mag-eleksyon pero, nakikita na natin ang epekto ng DAP allocations sa larangan ng pulitika.

Bakit kailangan ng Aquino administration ang mag-stay in power? Unang-una, kailangan nilang matiyak na hindi makukulong si PNoy at mga alipores gaya nang nangyari kay GMA? Ikalawa, kailangang malinis muna nila ng husto ang mga dokumento, para hindi sila balikan ng sunud-sunod na kaso sa 2016?
Ikatlo, kailangang manalo ang kandidato ng Liberal Party sa 2016, para tuloy ang happiness!  Tama na, sobra na!

Read more...