Saklolo sa inang OFW

NAGTUNGO ang magkapatid na Eileen at Randolf sa Bantay OCW upang hilinging makauwi na sa lalong madaling panahon ang kanilang ina na nasa Saudi Arabia.

Nakakaisang taon pa lamang ang ating OFW sa kaniyang employer ngunit pinagmamalupitan ito. Dalawang linggong ikinulong at bihira lang bigyan ng pagkain.

Dahil nakapagtago ng cellphone, nakapagpadala ng text message ang ina sa mga anak at ibinilin na magtungo sa Bantay OCW at ipaalam ang kanyang kalagayan.

Matagal nang tagasubaybay ng Bantay OCW ang kanilang ina, kaya ang bilin sa mga anak kapag may nangyari sa kanya sa abroad ay magtungo sila sa atin (Salamat po sa pagtitiwala ninyo!).

Katuwang ang tanggapan ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz, agad naaksyuna ang reklamong ito.

Mapalad ang ating mga OFW dahil mula nang pangunahan ni Secretary Baldoz ang DoLE ay nagkasunod-sunod na rin ang pagtatalaga ng mga babaing administrador sa Overseas Workers Welfare Administration.

Ang OWWA ay attached agency ng DOLE. Ito ang tanggapang pangunahing nangangalaga sa mga kapakanan at interes ng ating mga OFW sa loob at labas ng bansa, pati na rin sa mga naiiwang mga kapamilya nila sa Pilipinas.

Inihahanda rin nila ang mga kababayan nating nagnanais nang umuwi sa Pilipinas sa pamamagitan ng Reintegration Program at maging sa abroad, may mga pagsasanay na silang ibinibigay upang may hanapbuhay silang maaasahan sa kanilang pagbabalik. O di kaya naman, maaaring gamitin na ang mga natutunang kasanayan sa paglipat sa mas maganda-gandang trabaho sa abroad dahil sa dagdag na mga kaalaman.

Kauna-unahang babaing nanungkulan sa OWWA si Administrator Carmelita “May” Dimzon na sinundan naman ng bagong katatalagang si Administrator Rebecca Calzado.

Hindi makakalimutan ng Bantay OCW si Dimzon sa tuwing ipinakikilala niya ang mga bagong scholars ng OWWA. Hinahamon niya ang mga ito na hindi lamang sila magtapos kundi magtapos ng may honors.

Samantala ang pumalit sa kanya na si Calzado ay subok na rin sa public service. Nagsisimula pa lamang noon ang Overseas

Employment Program ng Pilipinas, nasa Labor Department na si Administrator Calzado. Kaya’t maasahang itutuloy lamang ni Calzado ang mga gawain sa DOLE.

Congratulations po sa ating magigiting na mga kababaihang lingkod bayan!

Isa ka bang OFW o kaanak ng isang OFW? Maari kayong sumangguni kay Susan K. I-text ang OCW, pangalan, edad, lugar at ang inyong mensahe sa 09999858606.

READ NEXT
Tama si Padre
Read more...