Tama si Padre

MALI nga lang ang kanyang presentasyon nang sermonan niya sa dalagang ina (noon ‘50s ay tinawag na disgrasyada; at ang anak ay anak sa labas) dahil mas matatapang, walang modo, mapaghamon nang talikuran pero ayaw namang makipagbarilan nang harapan ang karamihan sa netizens.

Para sa mga netizens, malaki ang pagkakamali at kasalanan ng pari at halos yakagin pa ng mga ito ang taumbayan na batuhin hanggang sa mamatay ang pari, kuyugin ang pari habang minumura ito ng di makaing mga salita, tulad noong habang pinapasan ni Jesus ang krus (mabuti na lamang at bawal ang pagmumura sa dyaryo).

Tulad ng sinasabi sa Juan 8:1-11, ang babaing nahuli sa pakikiapid. Galit na galit ang taumbayan (netizens ngayon), sila mismo ang kumaladkad sa maruming babae at iniharap siya kay Jesus. May ebidensya sa malaking kasalanan ng babae. Ayon sa batas ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang maruming babae (di ba’t may mga bansa pa hanggang ngayon sa Gitnang Silangan na bi-nabato hanggang sa mamatay ang nakiapid?).

Pero, inawat ni Jesus ang nagngangalit na taumbayan at sinabing kung sino ang walang sala ay siya ang pumukol ng unang bato (sa Gitnang Silangan, lahat ng may sala ang pumupukol ng bato sa nakiapid na babae, hanggang sa ito ay mamatay).
Isa-isang umalis ang kuyog. Sa 10-11, “Ti-ningnan siya ni Jesus at tinanong: “Nasaan sila? Wala bang magpaparusa sa iyo?” “Wala po, Ginoo,” sagot ng babae. Sinabi ni Jesus: “Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag nang magkasala.”

Pero, nakagagalit dahil ngayon, araw-araw ay maraming babae ang nakikiapid. Laganap ang pakikiapid sa showbiz at sinusubuan pa ng hostia ng pari ang isang talk show host sa komunyon ng Misa, gayung tuwing Linggo ay pinagpipiyestahan niya ang pakikiapid, na para bang lugmok siya sa kabiguan kung walang bagong makikiapid. Meron pa nga na simula nang makiapid sa may asawa ay nang-aagaw na ng may asawa. Mag-iinit nga ang ulo ng kahit sinong pari.

Sa pagninilay-nilay sa Ebanghelyo noong Martes, ika-14 na linggo sa karaniwang panahon (Sim 115:3-4, 5-6, 7ab-8, 9-10), sinabi na: “Nawa maunawaan ng bawat Katoliko na sa bisa ng Sakramento ng Binyag, may moral at espirituwal na tungkulin tayo na makiisa sa gawain ni Jesus.” Ang moral at espirituwal na tungkulin ng bawat binyagan sa simbahang Katolika ng pakikisa sa gawain ni Jesus ay nakalulungkot na hindi na ginagawa ngayon, lalo ng mga netizens, na
ikinaliligaya ang makapagmura at makapagdusta, walang sinisino, kahit pari, obispo at maging ang Santo Papa.

Sa Mateo 3:16, “Nang mabautismuhan si Jesus, umahon siya sa tubig. Nabuksan ang langit at nakita niya ang Espiritu ng Diyos…” Ito’y naglaho sa naanakan o mga magulang na nagpapabinyag sa kanilang anak. Isang parokya sa dagat-dagatan ng mahihirap sa Phase 8A sa Bagong Silang, Caloocan, ang pinakamalaking barangay sa bansa, ang mahigpit na ipinaiiral ang mga regulasyon sa binyag, ilan dito ang di puwedeng binyagan ang batang ayaw tukuyin ang ama, o ina (at kung ang ina ay biktima ng panggagahasa, kailangan niyang magsumite ng police report), ang iginigiit na pagbibinyag dahil ang dokumento ay kailangan sa pangingibang bansa, kailangan sa paghahabol sa kaso para magkapera, atbp., na walang kaugnayan sa espirituwal na katugunan.

MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Sana tingnan ni Public Works Secretary Rogelio Singson ang highway sa Paglas, Maguindanao. Isang taon lang, sira na.
May provision sa bid document na may pananagutan ang contractor. Nasaan siya? Marami na ang nadidisgrasya. …2027

Read more...