‘Wannabe’ di papatulan impeach vs PNoy

KARAPATAN nina dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo, Sen. Ramon Bong Revilla Jr., Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Juan Ponce Enrile, na hilingin sa korte na payagan silang magpiyansa.

Naniniwala sila na mahina ang ebidensya laban ng prosekusyon kaya dapat silang payagang makalaya sa pamamagitan ng piyansa.

Hindi na extra-ordinary ang paghirit ng piyansa ng mga taong nahaharap sa mga non-bailable offense gaya ng plunder na kinakaharap ng apat na nabanggit.

Naibasura na ang mga naunang mosyon ni Arroyo na makapagpiyansa. Pero humirit siyang muli.
Ang pustahan ngayon ay kung sino sa kanilang apat ang mauunang papayagang makapagpiyansa.

Nang lumabas ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng Disbursement Acceleration Program fund, nag-ingay ang mga militante (syempre).

Hiling nila, alisin sa puwesto si Pangulong Aquino. I-impeach si Presidente Aquino.

Pero hindi sila kaagad na pinatulan ng mga nag-aambisyon na tumakbo sa presidential race sa 2016.

Siyempre naman, nagdeklara na si Vice President Jejomar Binay na tatakbo siya.

Kung magtatagumpay ang impeachment, si Binay ang makikinabang. Magiging presidente siya bago pa man ang eleksyon.

At kung titingnan natin ang kasaysayan ng bansa, nangyari na ito nang bumaba si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada.

Bumaba si Erap (natalo sa presidential elections noong 2010 at nanalong mayor ng Maynila noong 2013) at pumalit sa kanya ang noon ay Vice President Gloria Arroyo.

Inanunsyo ni Arroyo na hindi siya tatakbo sa presidential race noong 2004 pero hindi niya ito tinupad at kumandidato siya.
Nanalo si Arroyo laban sa aktor na si Fernando Poe Jr. bagamat kinukuwestyon ang kanyang pagkapanalo. Hindi naman natapos ni FPJ ang kanyang protesta dahil siya ay namatay.

Mas lalong gumulo ang bansa at tumindi ang pagkuwestyon sa legitimacy nang panunungkulan ni Arroyo lalo na nang maisapubliko ang “Hello Garci.”

Bukod sa dayaan (remember na manual counting pa noon ang eleksyon), meron ding alegasyon ng paggamit ng resources ng gobyerno para sa kandidatura ni Arroyo.

At marami ang nangangamba na mauulit ito kung mai-impeach si Aquino at mauupo si Binay.

Mas magiging madali umano kay Binay na manalo, mataas na siya sa survey (ngayon) at kontrolado pa niya ang gobyerno.
Wala ng kapag-a-pag-asa ang kanyang mga maaaring makalaban. Kaya ang sigaw ng mga nag-iisip na tumakbo sa 2016: No to impeachment.

Mukhang tanggap naman ng mga militanteng grupo na nagtutulak ng impeachment complaint na matatalo sila.
Kulang na nga sila sa bilang, kokonti pa ang makukuha nilang sponsor sa mga kakailanganing pondo.

Read more...