Ate Vi dedma sa panlalait ng madlang pipol, bashers asar-talo


Kahanga-hanga ang lawak ng isip na pinairal ni Governor Vilma Santos sa mga walang magawang bashers na inaraw-araw siya sa panglalait nu’ng i-post ni Kris Aquino ang kanyang card na may konti lang namang mali sa spelling.

Sa halip na bigyan ng panahon ang mga ito ay normal lang niyang ipinagpatuloy ang kanyang trabaho bilang ina ng probinsiya ng Batangas, ang pinag-isipan niyang mabuti ay ang pangkabuhayang puwede niyang ibigay sa kanyang mga nasasakupan, ganu’n ang tapong may napag-aralang leksiyon sa buhay.

Sa halip na bigyan ng panahon ang mga bashers, mas itinuon ng Star For All Seasons ang kanyang panahon para sa ikauunlad pa ng pinamumunuan niyang probinsiya, ganu’n ang positibong paghawak sa isang problemang hindi naman siya ang dapat sisihin dahil ibang tao ang may gawa.

Napahiya ang mga bashers kay Governor Vilma. Malaking insulto para sa mga ito ang hindi pagbibigay ng pansin ng aktres-pulitiko sa kanilang mga kabalbalan, sino ngayon ang nabawasan at nadagdagan?

Isang magandang ehemplo si Governor Vilma sa mga kapwa niya artistang patol nang patol sa mga bashers, sa mga taong ni hindi nga natin alam kung saan-saang puno ng sampalok nagsipanggaling, malaking kabawasan sa oras ng mga abalang artista ang pakikipag-away sa social media dahil pagkatapos nilang makipagtungayawan ay wala naman silang napapala kundi init ng ulo.

Kapuri-puri ang isang tulad ni Governor Vilma Santos na marunong nang humawak ng kanyang emosyon ay mapagpahalaga pa sa kanyang oras, palatandaan ‘yun ng isang taong punumpuno na ng katalinuhan, ng isang taong pinatapang at pinatibay na ng panahon. Sana’y dumami pa ang katulad ng Star For All Seasons.

( Photo credit to vilma santos official fanpage )

Read more...