KAILAN kaya tatayo sa impeachment court ng Senado sina Bong at Lito, mga butihing kinatawan ng showbiz, at magtatanong sa pagdinig o may nais lamang na linawin bilang senator-judges, ang bagong mahirap na papel pero puwede namang may script?
Kagalang-galang ang tawag sa mga senador dahil ibinoto sila ng taumbayan, kabilang na ang naparaming bobotante.
Kilala sila ng mga botante at malaki ang tiwala sa kanila, at sa kanilang kakayahan.
Tulad ng pagboto ng mga botante sa dalawang basketbolista, sina Freddie Webb at Robert Jaworski, bagaman nakilala’t hinangaan dahil sa galing na mag-dribble, ipasa ang bola, mang-agaw ng bola, manupalpal at walang sablay na magbuslo kahit sa three-point zone, ay nakilahok pa rin sila sa mga deliberasyon at paggawa ng mga batas.
Oo nga’t walang impeachment noon, pero sa ganitong kapulungan lamang, tulad ng dumidinig sa reklamo kontra Chief Justice Renato Corona, ang pinakamagandang pagkakataon para ipakita ang pakikilahok sa mahalagang yugto ng kasaysayan.
Kung ang pagbabatayan ay ang makulay na nakalipas, hindi balakid ang walang pinag-aralan, ang konting pinag-aralan o ang salat na kaalaman.
Dahil pinatunayan ni Ka Amang (“you parade the car,” “there is many diligence in customs,” at “session assumed”), na mambabatas din siya at naging busilak din naman ang paglilingkod (kaya’t maraming kalye’t paaralan ang ipinangalan sa kanya, dahil tapat siyang naglingkod sa nangangailangan).
Pampatabang-puso at pampalakas ng loob kina Bong at Lito.
Kaya puwede na silang magtanong o humingi ng paglilinaw dahil ang kasalukuyang tema ay tumatalakay na sa mga bagay na nagaganap din sa mga obrero; tulad ng income tax returns, na, halimbawa, ay dapat bang ungkatin ang ITR ng obrero kung nagdududa na ang BIR dahil dalawa na ang kanyang motorsiklo, atbp.
May mga legal advisers din naman sina Bong at Lito kaya alam ng kanilang mga fans na ipinaliliwanag din sa kanila ang nagaganap sa bista, ang magaganap bukas at ang inaasahang darating pa.
Kapag tumayo sila’t magtanong ay makaaasa ang madla na base ito sa kanilang nauunawaan dahil wala silang kinikilingan at wala silang utang na loob na dapat bayaran sa araw ng singilan.
Sige na, Bong at Lito, naghihintay ang taumbayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.