PINANGALANAN na ng Florida, USA-based International Boxing Organization (IBO) si Michael Alexander ng Great Britain bilang referee sa IBO world super flyweight championship sa pagitan nina defending champion Edrin “The Sting” Dapudong ng Pilipinas at South African challenger Lwandile Sityatha sa Hulyo 18 sa East London, South Africa.
Sa opisyal na abiso nito sa mga itatalagang opisyales na inilabas kamakailan, itinalaga rin ni IBO president Edward Levine bilang mga judges sa ringside sina Andile Matika ng South Africa, Waleska Roldan ng Estados Unidos at Bruce Mctavish ng Pilipinas.
Ang super flyweight championship sa pagitan nina Dapudong at Sityatha ay isasagawa sa 12 rounds at ito ay gaganapin sa Orient Theatre sa East London, na dalawang oras ang layo mula sa Johannesburg, ang pinakamalaking lungsod sa South Africa.
Prino-promote ni Ayanda Matiti ng Xaba Promotions, ang laban ay pangangasiwaan ng South African Boxing Commission sa pamumuno ni Loyiso Mtya.
Si IBO vice president for Africa Len Hunt ang magiging IBO representative sa ringside.
Ito ang unang pagdepensa sa hawak na titulo ni Dapudong na napanalunan ang korona sa pamamagitan ng first-round knockout sa kanyang rematch laban sa dating kampeon na si Gideon Buthelezi na isa ring South African.
Ang 28-anyos na kampeon at ang kanyang grupo na pinangungunahan ng kanyang manager na si dating North Cotabato Governor Manny Piñol at mga trainers na sina Nonoy Neri at Rex Peñalosa ay aalis patungo sa South Africa ngayong Hulyo 12 via Singapore.