San Mig, Rain or Shine unahan sa 2-1 lead

Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
3:30 p.m. Leo Awards
5 p.m. San Mig Coffee vs Rain or Shine
(Game 3, best-of-five)

BUMABA na sa best-of-three ang Finals ng PLDT Home Telpad PBA Governors’ Cup at inaasahang mas maigting ang magiging duwelo ng Rain or shien at San Mig Coffee sa Game Three mamayang alas-5 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Tinalo ng Elasto Painters ang Mixers sa overtime, 89-87, sa Game Two noong Huwebes  upang itabla ang best-of-five series sa 1-all. Nagwagi ang San Mig Coffee sa Game One, 104-101.

Si Arizona Reid, na naparangalang Best Import bago nagsimula ang laro, ang nagbuslo ng game-winning three-point shot may anim na segundo ang natitira sa overtime.

Dahil dito’y napalis ang kabayanihan ng two-time Most Valuable Player na si James Yap na siyang gumawa ng lahat ng pitong puntos ng Mixers sa extra period.

Ang dalawang koponan ay nagtabla sa 80-all matapos ang 48 minuto. Ang San Mig Coffee, na naghahangad na makumpleto ang ikalimang Grand Slam sa kasaysayan ng liga, ay lumamang ng 12 puntos sa first quarter kung saan nabokya si Reid.

Si Reid ay gumawa lang ng dalawang puntos sa first half subalit nagtagumpay ang Elasto Painters na makatabla, 37-all, sa halftime. Matapos ay nagsimulang kumamasda si Reid upang patunayan na karapat-dapat nga siyang parangalan.

Si Reid ay nagtapos nang may 29 puntos, 17 rebounds at apat na assists. Sinuportahan siya nina Jeff Chan na gumawa ng 14 puntos, Paul Lee na nagtala ng 12 puntos at Gabe Norwood na nagdagdag ng 10.

Pinamunuan ni Yap ang Mixers nang magtala siya ng 22 puntos at apat na rebounds. Si Marc Pingirs ay nagtapos nang may 17 puntos, 13 rebounds, tatlong assists at dalawang steals.

Ang import na si Marqus Blakely ay nalimita sa 14 puntos subalit nakapagrehistro ng 14 rebounds, walong assists at isang steal. Si Peter June Simon ay nagtapos nang may 11 puntos at dalawang rebounds.

Hindi umiskor si Joe Devance samantalang  anim na puntos lang ang nagawa ni Mark Barroca. “That’s why he’s the Best Import. He carried us on his shoulders in the semis and now he’s carrying us in the Finals,” ani Elasto Painters coach Joseller “Yeng” Guiao patungkol kay Reid. “We kept our composure and we toughened it out with them.”

Ayon naman kay San Mig Coffee coach Tim Cone na naghahangad na maisubi ang kanyang ikalawang Grand Slam, “We had a couple of opportunities to win it and go up 2-0 but we failed to execute well.

We’ll just have to do better in Game Three.” Samantala, gaganapin ang Annual Leo Awards simula alas-3:30 ng hapon. Si June Mar Fajardo ng Miguel Beer ang pangunahing contender para sa Most Valuable Player award.

( Photo credit to inquirer news service )

Read more...